OOBC, Ibinahagi ang Mandato at Mahahalagang Gawain sa “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man”

COTABATO CITY (Ika-29 ng Mayo, 2025) — Tinalakay sa programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” ang mandato at mahahalagang gawain ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) sa pangunguna nina Executive Director Noron S. Andan at Community Development Officer I Esnain C. Mapait. Ang nasabing panayam ay ginanap sa studio room ng Bangsamoro Multimedia Network noong Mayo 29.
Ipinaliwanag ni Executive Director Andan na ang OOBC ay isang pangunahing yunit sa ilalim ng Office of the Chief Minister ng BARMM na nakatuon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng rehiyon. Kabilang sa kanilang tinututukan ang mga usaping panlipunan, pang-ekonomiya, at kultural upang matiyak ang inklusibong pag-unlad ng komunidad.
Binigyang-diin din niya na ang pagkakatatag ng OOBC ay patunay na walang naiiwan sa mga Bangsamoro, saanman sila naroroon. Layunin ng tanggapan na maabot at mapaglingkuran ang mga komunidad hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng BARMM, bilang bahagi ng mas malawak na adyenda ng pamahalaan para sa kaunlaran.
Ayon naman kay Mapait, aktibong nakikipag-ugnayan ang OOBC sa iba’t ibang rehiyon tulad ng Region IX, Region X, at Region XII, gayundin sa Palawan, upang matukoy ang kalagayan ng mga Bangsamoro sa mga lugar na ito. Isinasagawa rin ang pangangalap ng datos at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensya upang matugunan ang mga pangangailangan ng komunidad.
Dagdag pa niya, mahalaga ang papel ng mga ahensiyang tulad ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagbibigay ng datos hinggil sa populasyon ng bawat komunidad, na nagsisilbing batayan sa pagpaplano ng mga programa.
Ibinahagi rin ng OOBC na nagsasagawa sila ng mga regional consultation at stakeholder engagement, kabilang ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, upang mapalakas ang implementasyon ng kanilang mga programa. Isa sa kanilang layunin ang magsilbing tulay o “bridge” sa pagitan ng Bangsamoro Government at ng mga komunidad sa labas ng BARMM.
Patuloy na pinagtitibay ng OOBC ang kanilang mandato sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa koordinasyon, serbisyo, at pakikipag-partnership, na naglalayong matiyak ang pantay na pag-unlad ng lahat ng Bangsamoro saan mang panig ng bansa. (Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)