Papel at Hamon ng Kababaihang Bangsamoro, Tinalakay sa “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man”

Masinsinang talakayan tungkol sa sa papel, hamon, at pangangailangan ng mga kababaihang Bangsamoro sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

COTABATO CITY (Ika-24 ng Marso, 2025) — Kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month, tampok sa programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” ang talakayan hinggil sa papel, hamon, at pangangailangan ng mga kababaihang Bangsamoro sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na isinagawa noong Marso 24.

Sa pangunguna ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC), dumalo bilang mga panauhin sina Ramla Labado Manguda at Farhana Kabalo, Planning Officer ng OOBC, upang ibahagi ang kanilang pananaw at karanasan.

Sa talakayan, binigyang-diin ni Farhana Kabalo ang pag-angat ng mga kababaihang Bangsamoro sa iba’t ibang larangan. Aniya, marami na ang nagiging matagumpay na negosyante at lider, at aktibong nakikibahagi sa mga ministeryo at iba’t ibang sektor ng pamahalaan, na nagpapakita ng kanilang mahalagang papel sa paglilingkod sa komunidad.

Samantala, ibinahagi ni Ramla Labado Manguda ang mga hamong kinakaharap ng mga kababaihang Bangsamoro sa labas ng BARMM, kabilang ang pagkakaiba ng kapaligiran at limitadong access sa mga pasilidad tulad ng masjid.

Bilang tugon, iminungkahi ang pagpapatupad ng mga programang susuporta sa mga Bangsamoro sa labas ng rehiyon, tulad ng tulong sa mga madrasah, pagtatatag ng mga prayer room sa mga paaralan, at suporta para sa mga single parent.

Ang naturang programa ay nagsisilbing tulay ng koneksyon at serbisyo para sa mga Bangsamoro sa buong bansa at naglalayong matiyak na naipararating ang mga programa ng pamahalaan sa lahat ng komunidad. (Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Pag-unawa sa Salah, Zakat, Sunnah at Sadaqah, Tinalakay sa “Diwa ng Ramadhan, Bahagi ka Muslimah” Talkshow Program
Next post Bangsamoro Internal Displacement Coordinating Council holds TWG Meeting-Workshop