Special Development Fund ng BARMM, Tinalakay sa Ikalawang Season ng OOBC Talk Show Program

Noron S. Andan, Executive Director ng OOBC.


COTABATO CITY (Ika-31 ng Disyembre, 2025) — Tinalakay ang Special Development Fund (SDF) program ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ikalawang season ng “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man,” ang talk show program ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) na naglalayong palakasin ang ugnayan at maghatid ng mahahalagang impormasyon sa mga Bangsamoro communities sa loob at labas ng rehiyon.

Isinagawa ang naturang programa sa Dinas, Zamboanga del Sur at dinaluhan ng iba’t ibang opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor. Kabilang sa mga dumalo ang mga VIP guests, aid representatives, at mga kinatawan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF). Pinangunahan ang programa ni Noron S. Andan, Executive Director ng OOBC. Dito mapapanood ang video documentary ng mga malahalagang mensahe ng mga opisyal sa naturang programa: https://www.youtube.com/watch?v=Ow9b76gqVkc

Sa talakayan, ipinaliwanag ang kahalagahan ng Special Development Fund—isang programang naglalayong pondohan ang mga proyekto para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga lugar na matagal nang naapektuhan ng armadong tunggalian. Isa sa mga proyektong pinondohan sa pamamagitan ng programang ito ang pagtatayo ng Peace and Cultural Center sa komunidad.

Ayon sa mga tagapagsalita sa programa, ang SDF ay inilaan upang matugunan ang kakulangan sa pag-unlad ng maraming komunidad ng Bangsamoro na naapektuhan ng ilang dekadang sigalot na nagsimula pa noong dekada 1970. Dahil sa matagal na armadong tunggalian, maraming lugar sa loob ng BARMM at maging sa mga karatig na munisipalidad ang hindi nabigyan ng sapat na oportunidad para sa kaunlaran.

Layunin ng SDF na makatulong sa pagbangon ng mga komunidad at makahabol sa mga taong nawala sa pag-unlad ng rehiyon dahil sa kaguluhan. Saklaw ng programang ito hindi lamang ang mga komunidad sa loob ng BARMM kundi pati na rin ang mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng rehiyon ngunit nananatiling bahagi ng mas malawak na Bangsamoro community.

Ang Special Development Fund ay isang programa sa ilalim ng Office of the Chief Minister ng BARMM. Sinimulan ito sa panahon ng unang Chief Minister na si Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at ipinagpatuloy ng kasalukuyang Chief Minister na si Abdulraof “Sammy ambar” A. Macacua.

May nakalaang sampung taong pondo para sa implementasyon ng programang ito. Sa kasalukuyan ay nasa ika-lima hanggang ika-anim na taon na ng pagpapatupad ang programa, kaya may natitira pang ilang taon upang maipagpatuloy ang mga proyektong nakalaan para sa mga Bangsamoro communities.

Ipinaliwanag din sa programa na ang mga proyektong pinopondohan ng SDF ay karaniwang nagmumula sa mga kahilingan o panukala ng mismong komunidad. Ang mga proposal na ito ay sinusuri at tinatalakay sa regional government bago aprubahan at pondohan.

Sa prosesong ito, mahalaga ang papel ng Project Management Office (PMO) na tumutulong sa pagproseso at pagkompleto ng mga kinakailangang dokumento upang matiyak na maayos at naaayon sa patakaran ng pamahalaan ang paglalabas ng pondo.

Mayroon ding sinusunod na mga alituntunin sa pagsusumite ng mga proposal, kabilang ang limang pangunahing programang nagsisilbing gabay upang matiyak na ang mga panukalang proyekto ay naaayon sa layunin ng Special Development Fund.

Sa pagkakataong ito, nabigyan ng oportunidad ang komunidad ng Lower Dimaya, Dinas, Zamboanga del Sur na makinabang sa naturang pondo. Gayunpaman, hinihikayat ang iba pang komunidad na magsumite rin ng kanilang mga panukalang proyekto sa pamamagitan ng OOBC upang makatanggap ng suporta mula sa pamahalaang Bangsamoro.

Ang Special Development Fund ay bahagi ng mas malawak na mga programang inilunsad ng Office of the Chief Minister upang matulungan ang mga komunidad ng Bangsamoro na matagal nang naapektuhan ng kaguluhan. Kabilang din dito ang Kapyanan at Project TABANG, na parehong naglalayong maghatid ng tulong at serbisyo sa mga komunidad na nangangailangan.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na isinusulong ng pamahalaang Bangsamoro ang layunin nitong maibalik ang kaunlaran sa mga komunidad at matiyak na ang mga Bangsamoro—saan man sila naroroon—ay makikinabang sa mga programang pangkaunlaran ng rehiyon.(Alimudin K. Kadatuan, Hannan G. Ariman at Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post BARMM Chief Minister Macacua, nagbigay ng P200K sa Top 1 Qur’an Reciter Al-Hafidh Bito
Next post Dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng kampanya para sa Halalan 2025