Talk show ng OOBC binigyang-diin ang boses at karapatan ng Bangsamoro sa labas ng BARMM

COTABATO CITY (Ika-31 ng Hulyo, 2026) — Tinalakay sa ikalawang season ng talk show na “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man,” na isinagawa noong Hulyo 31, 2025, ang mahahalagang isyu, hamon, at mga programang inilaan para sa mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang programa, na inilunsad ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) sa ilalim ng Office of the Chief Minister, ay nagsisilbing plataporma upang maiparating ang mga serbisyo, inisyatiba, at suporta ng pamahalaang Bangsamoro para sa mga Bangsamoro communities outside BARMM.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni OOBC Deputy Executive Director Qurais T. Langcap ang mandato ng Section 12, Article VI ng Bangsamoro Organic Law (BOL), na nag-aatas sa pambansang pamahalaan na tiyakin ang proteksyon at kaunlaran ng mga Moro na nasa labas ng rehiyon, kabilang ang pagbibigay ng development at rehabilitation assistance.
Ayon kay Langcap, mahalaga ang papel ng OOBC sa pagpapatupad ng mandatong ito upang matiyak na ang mga Bangsamoro sa labas ng BARMM ay patuloy na nakatatanggap ng suporta at nananatiling konektado sa pamahalaang Bangsamoro.
Samantala, ibinahagi ni OOBC Consultant para sa Davao Region Noriel G. Binocal ang mga hamon na kinakaharap ng Bangsamoro communities sa labas ng rehiyon, kabilang ang kakulangan ng koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga komunidad at ng pamahalaan.
Aniya, nagsagawa sila ng community organizing at iba’t ibang inisyatiba upang mapalakas ang boses ng Bangsamoro sa Davao Region at makuha ang atensyon ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga programang nagtataguyod ng kaunlaran at representasyon.
Layunin ng talk show na higit pang palakasin ang ugnayan ng pamahalaang Bangsamoro at ng mga komunidad nito, habang isinusulong ang inklusibong pag-unlad at pagkakaisa ng mga Bangsamoro saan man sila naroroon. (Alimudin K. Kadatuan, Hannan G. Ariman at Noron M. Rajabuyan, BMN/ BangsamoroToday)