
MILG Pinangunahan ang Pagsasanay para sa Kapayapaan at Pagbabago ng mga Dating Rebelde sa Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-22 ng September, 2025) — Pinangunahan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ang isang makabuluhang aktibidad para sa kapayapaan at pagbabago ng buhay ng mga dating miyembro ng local threat groups (LTGs) mula sa Maguindanao del Sur. Sa ilalim ng Project TUGON (Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit), isinagawa ang dalawang-araw na Reformation and Re-establishment Activity noong Setyembre 17–19, sa 8th Avenue Convention Center, Kabacan, North Cotabato.
Sa pahayag ng MILG, ang aktibidad ay layuning tulungan ang 56 dating LTG members na tahakin ang landas ng pagpapagaling, pagkakasundo, at positibong pagbabagong-loob upang maging mapayapa at produktibong mamamayan.
Sa pakikipagtulungan ng 6th Infantry Battalion at 6th Mechanized Battalion ng Philippine Army, isinagawa ang serye ng mga counseling sessions, values transformation workshops, at faith-based learning sessions.
Isa sa mga tampok ng programa ang serye ng Islamic lectures at mga counter-narratives na ibinahagi ni Ustadz Habib M. Usman, Chairman ng Hay-ato Ulama El Muslim ng Maguindanao Province. Tinalakay sa mga sesyon ang mga mahahalagang dokumento tulad ng Medina Charter, Amman Message, Marrakesh Declaration, Common Word, at Letter to Baghdadi—mga tekstong naglalayong palakasin ang kapayapaan, pagkakaisa ng pananampalataya, at pagtakwil sa marahas na ekstremismo.
Sa pamamagitan ng mga workshop, naibahagi ng mga dating rebelde ang kanilang mga personal na karanasan at ang kanilang pagnanais na makapagsimula muli, makapag-aral, at makapaghanapbuhay nang mapayapa, kasama ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Farhana S. Sahod, Project Development Officer ng Project TUGON, “Panahon na upang talikuran ang nakaraan, yakapin ang pag-asa, at magpatuloy sa buhay na may kapayapaan at dignidad kasama ang inyong pamilya.”
Ipinahayag din ng militar ang kanilang buong suporta sa mga kalahok. Sinabi ni CPT Mamerto T. Fajardo, CMO Officer ng 6th Infantry Battalion: “Ang inyong pagbabalik-loob ay hindi kahinaan, kundi isang katapangang nagbibigay daan sa kapayapaan at pag-unlad ng ating rehiyon.”
Dumalo rin sa aktibidad sina Sheanija B. Shariff ng MILG Interior Affairs Services, TSG Josept Caguioa ng 6th Mechanized Battalion, at mga kinatawan mula sa civil society organizations at religious groups.
Ang inisyatiba ay bahagi ng pagpapatupad ng MILG sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister at MILG Minister Abdulraof A. Macacua at sang-ayon sa #SammyGamBARMM framework bilang tugon sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ng pamahalaan ng Bangsamoro. Layon nitong patatagin ang kapayapaan, isulong ang pagkakasundo, at suportahan ang pagbabagong-buhay ng mga dating rebelde upang makapamuhay nang may dignidad at seguridad. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)