
MSSD, namahagi ng ayuda sa mga residenteng nasalanta ng baha sa Pandag, Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-22 ng Setyember, 2025) — Matagumpay na naipamahagi ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), katuwang ang Philippine Red Cross, ang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur noong Linggo, Setyembre 21.
Sa ilalim ng Emergency Relief Assistance (ERA) Program ng MSSD, tinatayang 500 pamilyang nasalanta ng baha ang nakatanggap ng ayuda.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng 25 kilo ng bigas, assorted canned goods, at isang pakete ng instant coffee bilang bahagi ng relief distribution.
Patuloy ang aktibong pagtugon ng MSSD sa pangangailangan ng mga mamamayang Bangsamoro na apektado ng kalamidad, bilang bahagi ng kanilang mandato sa pagbibigay ng agarang serbisyong panlipunan sa mga nangangailangan. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)