1,000 Punla, Itinanim sa Tree Growing at Adopt-A-Tree Activity ng MENRE sa South Ubian

(Litrato mula sa mula sa PENREO Tawi-Tawi)

COTABATO CITY (Ika-5 ng Setyembre, 2025) — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kamahardikaan sin Tawi-Tawi, matagumpay na isinagawa ng Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) ang isang Tree Growing activity sa ilalim ng Bangsamoro Urban Forest for Ecological Restoration (BUFFER) program at Roadside Adopt-a-Tree planting activity noong Setyembre 1, sa Tabawan Island, South Ubian, Tawi-Tawi.

Sa pangunguna ni Forest Management Services (FMS) Director Abdul-Jalil S. Umngan, kabuuang 1,000 punla ng katutubong punong-kahoy tulad ng Narra at Bahanan ang ipinamahagi at itinanim. Mula sa bilang na ito, 200 punla ay inilaan para sa Adopt-A-Tree initiative, 500 punla ang itinanim ng mga lokal na magsasaka, at 300 punla ang ipinamahagi sa mga residente na lumahok sa aktibidad.

Sa ilalim ng Adopt-A-Tree initiative, nangako ang mga kalahok na kanilang aalagaan at pananagutan ang patuloy na paglago ng mga itinanim na punla bilang bahagi ng pangmatagalang pangangalaga sa kalikasan.

Ang programa ay isinakatuparan ng MENRE sa pamamagitan ng Community Environment, Natural Resources and Energy Office (CENREO) sa pamumuno ni CENRE Officer Abdulmukim J. Maruji, kasama ang FMS technical team na pinamunuan ni Chief Forester Ernest D. Sali. Mahigpit itong naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) ng South Ubian.

Kinatawan ni Municipal Administrator Abdulajid S. Alih, Al-Haj, si South Ubian Mayor Hadzri H. Matba, at ipinahayag ang buong suporta at pakikiisa ng LGU sa mga inisyatibo ng MENRE. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad sa pangangalaga ng kapaligiran.

Bukod dito, pinarangalan ang Law Enforcement Team ng South Ubian, na binubuo ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard, at 312th Marine Company ng Marine Battalion Landing Team-12, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapatupad ng batas pangkalikasan at suporta sa mga programa ng MENRE.

Dumalo at nakilahok sa aktibidad ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga opisyal ng LGU South Ubian, kinatawan mula sa MAFAR Tawi-Tawi, MSSD Tawi-Tawi, MBHTE, mga guro at estudyante mula sa MSU-TCTO Tabawan Junior High School, mga kababaihang kabilang sa religious sector, mga ahensyang nagpapatupad ng batas, at mga lokal na samahan ng mga magsasaka, mangingisda, at seaweed farmers.

Sa patuloy na ugnayan ng MENRE at mga lokal na pamahalaan, muling pinagtibay ng ministeryo ang kanilang paninindigan para sa isang mas luntiang, matatag, at sustenableng Bangsamoro. Ipinapakita rin nito na ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno, tagapagpatupad ng batas, at mga komunidad ay susi sa matagumpay na pangangalaga sa kalikasan. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MSSD, Naglunsad ng Flood at WASH Assessment sa Sultan sa Barongis, Rajah Buayan, at Pandag, MDS
Next post DAB Successfully Facilitates Phase 2 of Policy Research Training for OOBC Employees