Ikalawang BMOAs Coordination Meeting, Isinagawa ng OOBC

(Litrato mula sa OOBC, cover photo: BMN/BangsamoroToday )

COTABATO CITY (Ika-29 ng Agosto, 2025) — Muling nagsagawa ng Coordination Meeting ang Office for the Other Bangsamoro Communities (OOBC) kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Ministries, Offices, at Agencies ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Huwebes, Agosto 28, sa SKCC Hall, Bangsamoro Government Center, Cotabato City.

Layunin ng pagpupulong na ito na bumuo ng mga posibleng programang makatutugon sa pangangailangan ng mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng rehiyon ng BARMM.

Sa pagbubukas ng programa, ipinaliwanag ni OOBC Executive Director Noron S. Andan, MPA, MAEd, ang mandato at layunin ng kanilang opisina. Ayon sa kanya, ang OOBC ay hindi isang program implementer kundi isang tanggapan na nagsisilbing tulay upang maihatid ang mga serbisyo ng BARMM sa mga Bangsamorong nasa labas ng rehiyon.

“Ang OOBC ay itinatag bilang tugon sa adbokasiya ng pamunuan ng Bangsamoro na walang maiiwan—na bawat Bangsamoro, saan man naroroon, ay bahagi ng pagbabago at pag-unlad na isinusulong ng Bangsamoro Government,” ani Director Andan.

Dagdag pa niya, ang OOBC ay isang tanggapan sa ilalim ng Office of the Chief Minister na nakatuon sa mga Bangsamoro na matatagpuan sa Regions 9, 10, 11, 12, Caraga, at Palawan.

Samantala, ipinakilala rin ni Engr. Farhanna U. Kabalu, MPA, Planning Officer II ng OOBC, ang dalawang pangunahing aktibidad ng kanilang opisina:
1. OBC-MANA (Mapping and Needs Assessment) – layunin nito na matukoy ang bilang, kalagayan, at pangangailangan ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM;
2. OBC-CoCo (Collaboration and Coordination) – nagsusulong ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya upang maisakatuparan ang mga programang makatutulong sa mga Bangsamoro communities sa labas ng rehiyon.

Patuloy ang pagsisikap ng OOBC na makapagbigay ng ugnayan at suporta sa mga Bangsamoro sa labas ng rehiyon, katuwang ang iba’t ibang sangay ng BARMM government.

Inaasahan ang tuloy-tuloy na partisipasyon at pakikipagtulungan ng OOBC sa iba pang ahensya upang matiyak na ang bawat Bangsamoro ay nabibigyan ng nararapat na serbisyo, anuman ang kanilang lokasyon.
(Hannan G. Ariman,
Noron M. Rajabuyan, at Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 366 Bakwit sa Marawi, Tumanggap ng Ayudang Pinansyal mula sa MSSD