
366 Bakwit sa Marawi, Tumanggap ng Ayudang Pinansyal mula sa MSSD

COTABATO CITY (Ika-29 ng Agosto, 2025) — Nakapamahagi ang Ministry of Social Services and Development (MSSD), katuwang ang BARMM-Marawi Rehabilitation Program (MRP), ng tulong pinansyal sa 366 na bakwit mula Marawi noong Agosto 27, 2025.
Ang ayuda ay bahagi ng Financial Assistance for Non-Kathanor Program, na nakatuon sa mga pamilyang naapektuhan ng Marawi Siege ngunit hindi naisama sa Kathanor biometric profiling. Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱5,000.
Ito na ang huling payout bago pansamantalang itigil ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan, alinsunod sa election ban na ipatutupad ng Commission on Elections (COMELEC).
Ayon sa MSSD, malaking tulong ang nasabing pinansyal na suporta para sa mga bakwit habang patuloy silang bumabangon, walong taon matapos ang krisis sa Marawi.
Simula Agosto 28, 2025, ititigil muna ang lahat ng social welfare at development projects sa buong rehiyon ng BARMM. Magpapatuloy lamang ang mga ito kapag nakakuha na ang MSSD ng Certificate of Exemption mula sa COMELEC.
Tiniyak naman ng MSSD na magpapatuloy ang mga susunod na payout para sa mga karagdagang validated na IDPs sa sandaling maibigay ang exemption. Saklaw din ng mga susunod na ayuda ang ilalim ng parehong Non-Kathanor Program at Bangsamoro Sagip Kabuhayan Program (BSKP). (BMN/BangsamoroToday)