Chief Minister Macacua: Pagtibayin ang Lokal na Pamumuno sa Pamamagitan ng Moral na Pamahalaan

(Litrato mula sa FB Page ng The BARMM Chief Minister)

COTABATO CITY (Ika-28 ng Agosto, 2025) — Muling binigyang-diin ni Punong Ministro Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang mahalagang papel ng moral na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa buong Rehiyong Bangsamoro, sa idinaos na Local Government Peace and Development Summit 2025 ngayong araw sa lungsod ng Maynila.

Ipinahayag ng Punong Ministro ang tatlong pangunahing panawagan na naglalayong paigtingin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan, isulong ang inklusibong pamamahala, at isabuhay ang moral na integridad sa lahat ng antas ng liderato.

Pagpapatibay sa Lokal na Pamahalaan Bilang Haligi ng Kapayapaan

Binanggit ni Macacua na ang mga lokal na pamahalaan ang nasa unahan ng pagpapatatag ng kapayapaan sa mga komunidad. Tinukoy niya ang bawat pinatibay na LGU bilang isang “muog laban sa kaguluhan.” Hinimok niya ang mga ministeryo at katuwang sa pag-unlad na palakasin ang kakayahan ng mga LGU sa pamamagitan ng patas na alokasyon ng pondo at mas pinatibay na sistemang pananagutan.

“Every empowered local government is a fortress against instability,” ani Macacua. “Let us support them through capacity-building, fair resource allocation, and stronger accountability mechanisms, (Suportahan natin sila sa pamamagitan ng capacity-building, patas na alokasyon ng yaman, at mas mahigpit na mekanismo ng pananagutan)”, dagdag ni Macacua.

Inklusibo at Makatarungang Pamamahala para sa Pangmatagalang Kapayapaan

Tiniyak din ng Punong Ministro ang paninindigan ng kanyang administrasyon para sa isang inklusibo at makatarungang pamamahala, na aniya’y pundasyon ng pangmatagalang kapayapaan.

“Peace is not only the absence of war—it is the presence of fairness,” anya pa. Ang mga kababaihan, kabataan, katutubo, at iba pang nasa laylayan ng lipunan ay dapat makilahok hindi lamang bilang benepisyaryo kundi bilang katuwang sa pamamahala at pagbuo ng kapayapaan, punto pa ni Macacua.

Paninindigan para sa Moral na Pamahalaan

Sa sentro ng kanyang talumpati ay ang mariing panawagan para sa moral na pamahalaan—isang prinsipyo na nagsisilbing gabay ng liderato ng Pamahalaang Bangsamoro.

Hinimok niya ang lahat ng lokal na pinuno na isabuhay ang katapatan, integridad, at tapat na paglilingkod na nakatuon sa kapakanan ng mamamayan.

Kaugnay nito, inanunsyo ng Punong Ministro ang pagsasagawa ng mga konkretong hakbang upang mas suportahan ang mga LGU na sumusunod sa pamantayan ng moral na pamahalaan. Inatasan niya ang Ministry of Finance, Budget and Management, sa koordinasyon ng Ministry of the Interior and Local Government, na bumuo ng programang pinansyal na magbibigay-gantimpala sa mga mahusay na LGU.

“Our plan is to double your development funds, provided that you comply with the standards of moral governance,” pahayag ni Macacua.

“This is not only about funding projects—it is about ensuring that resources uplift lives, deliver services, and build lasting trust between government and people, (Hindi lang ito basta pondo para sa mga proyekto—ito ay para matiyak na ang yaman ng bayan ay naglilingkod, nagpapabuti ng buhay, at nagpapatatag ng tiwala ng tao sa pamahalaan)”, wika nito.

Pagtupad sa Pangarap ng Bangsamoro

Sa kanyang tatlong panawagan, pinagtibay ni Punong Ministro Macacua ang matibay na paninindigan ng Pamahalaang Bangsamoro para sa isang hinaharap na nakaugat sa kapayapaan, katarungan, at moral na pamahalaan.

Habang nagpapatuloy ang rehiyon sa transisyon at pagbuo ng matatag na mga institusyon ng demokrasya, ang mensahe ng Punong Ministro ay nagsisilbing paalala sa lahat ng lingkod-bayan: mamuno hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi ng prinsipyo; hindi ng ambisyon, kundi ng pananagutan. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post ICM Macacua, Nilagdaan na bilang batas ang Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 (BAA Blg. 77)
Next post 366 Bakwit sa Marawi, Tumanggap ng Ayudang Pinansyal mula sa MSSD