
30 Kawani ng MOST Sumailalim sa Pagsasanay ng Values Transformation Training para sa Moral Governance

COTABATO CITY (Ika-5 ng Marso, 2025) — Nagsagawa ang Ministry of Science and Technology (MOST) ng Values Transformation Training (VTT) para sa 30 bagong empleyado, kabilang ang mga permanenteng kawani at contract of service (COS) personnel. Ang pagsasanay ay ginanap noong ika-24 ng hanggang ika-26 ng Pebrero, sa Grand Summit Hotel, General Santos City.
Nakipagtulungan ang Development Academy of Bangsamoro (DAB) at ang Bangsamoro Development Agency (BDA) bilang service provider ng VTT upang mapaunlad ang kaalaman, kasanayan, at tamang asal ng mga kawani ng Bangsamoro Government, alinsunod sa Islamic values.
Bilang tagapagtaguyod ng moral governance, hinihikayat ng MOST ang mga empleyado nito na pairalin ang disiplina at etikal na prinsipyo sa trabaho. Layunin din ng pagsasanay na palakasin ang mabuting asal ng mga kawani at sugpuin ang masasamang gawi tulad ng korapsyon, manipulasyon, paboritismo, at iba pang di-makatarungang gawain sa gobyerno.
Bukod dito, lumahok din ang mga kawani sa Halaqah, isang study circle kung saan pinagtibay nila ang kanilang samahan, pinabuti ang relasyon sa kapwa manggagawa, at mas pinahusay ang kalidad ng kanilang serbisyo sa pang-araw-araw na gawain. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)