100 Bagong Empleyado ng MOST at BSHS Nanumpa para sa Moral Governance

(Litrato mula sa MOST-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-3 ng Marso, 2025) — Isang mahalagang araw para sa 100 bagong empleyado, na-promote, at contract-of-service (COS) workers ng Ministry of Science and Technology (MOST) at Bangsamoro Science High School (BSHS) na nanumpa para sa moral governance nitong ika-28 ng Pebrero sa Alnor Hotel and Convention Center, Cotabato City.

Ayon sa MOST, ang mga empleyado mula sa mga probinsya ay lumahok din sa seremonya sa pamamagitan ng Zoom na pinangunahan ni Bangsamoro Jurist Dr. Muhammad Nadzir Ebil ang panunumpa ng mga bagong kawani.

Binigyang-diin ni Minister Engr. Aida M. Silongan, PhD, ang kahalagahan ng propesyonalismo, pananagutan, responsibilidad, at dedikasyon sa paglilingkod upang maging isang epektibo at maaasahang kawani ng ministeryo.

Matapos ang panunumpa, isang simposyum ang isinagawa sa pangunguna ng Office of the Deputy Minister sa ilalim ni Professor Hashim Manticayan, MAIS.

Tinalakay ni Ustadz Kamarudin Dodo, isang cum laude graduate ng isang Islamic university sa Madinah, Kingdom of Saudi Arabia, ang paksang “Ramadhan and Fasting: A Guide to Spiritual Discipline and Divine Mercy.”

Ipinaliwanag niya na ang buwan ng Ramadhan ay panahon ng pisikal, mental, at espiritwal na pagbabago. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng Ramadhan bilang panahon ng habag, pagpapadalisay ng sarili, at malalim na pagninilay. Tinalakay nito ang diwa ng Ramadhan, mga alituntunin sa pag-aayuno, pisikal at mental na benepisyo nito, pati na rin ang pag-abot sa mas mataas na antas ng espiritwalidad.

Ang buwanang simposyum sa moral governance ay bahagi ng Initiative in Building Accountable, Assertive, Development-Oriented, and Active Human Resources Program (IBAADAH Resources Program) ng Office of the Deputy Minister. Layunin nitong palakasin ang pagsasabuhay ng moral governance sa pang-araw-araw na gawain at serbisyo ng ministeryo.

Ang seremonya ng panunumpa at ang isinagawang simposyum ay nagpapakita ng kahalagahan ng propesyonalismo, tamang pag-uugali sa trabaho, at dedikasyon ng mga empleyado upang mapalakas ang mandato ng ministeryo at makatulong sa patuloy na pag-unlad ng rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MILF Ex-Combatants ng Camp Abubakar Lumahok para sa Training Induction Program ng Shielded Metal Arc Welding NC II
Next post Mag-aaral ng SDO-Special Geographic Area na lumahok sa 21st National Science Quest, nakapag-uwi ng Karangalan sa MBHTE-BARMM