LDS nakatanggap ng P15B para sa mga Serbisyong Panlipunan at MSSD Tiniyak ang Tulong sa bawat Bangsamoro

(Litrato Mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-21 Ng Pebrero, 2025) — Nakatanggap ang lalawigan ng Lanao del Sur ng kabuuang pondo na PhP15,398,539,689.68 mula 2019 hanggang 2025 para sa mga Programa ng panlipunan. Inanunsyo ito sa isang pagtitipon sa Marawi City noong ika-19 ng Pebrero, kung saan ibinahagi rin ang mga nagawa at plano ng Ministry of Social Services and Development (MSSD).

Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni Bangsamoro Director General Atty. Mohammad Muktadir Ahmad Estrella ang kahalagahan ng nasabing pagpupulong.

“This is the time for us to recognize our victory as well as accountability and discuss how we can further strengthen and enhance service delivery for the Bangsamoro,” ani Estrella

Samantala, ibinahagi ni MSSD Minister Raissa H. Jajurie ang mga nakamit ng ahensya at ang mga hakbang na kanilang ginagawa upang matulungan ang mga nangangailangan sa lalawigan. “This achievement is a victory for all of us… It reflects our commitment to reach every Bangsamoro who needs our services,” pahayag ni Minister Jajurie

Mula sa naturang pondo, PhP3,130,454,329.68 ay nagmula sa General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB), Transitional Development Impact Fund (TDIF), at Special Development Fund (SDF).

Samantala, PhP12,268,085,360.00 naman ang inilaan ng pambansang pamahalaan sa iba’t ibang programa gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program (SLP), at Social Pension para sa mga indigent senior citizens.

Sa kanyang mensahe, muling pinagtibay ni Lanao del Sur Governor Mamintal A. Adiong Jr. ang suporta ng lokal na pamahalaan sa MSSD. “Even without the accomplishment report, I see the MSSD… We assure you that the local government of Lanao del Sur will continue to support MSSD’s programs and services,” ayon kay Gov. Adiong

Bukod sa pag-uulat ng mga nagawa, nagkaroon din ng open forum upang matugunan ang mga katanungan ng publiko at mga katuwang na ahensya. Binigyang-parangal din ang ilang natatanging social workers na sina Hanifah Habib, Noralina Oma, at Muhammadnur Macalimpao dahil sa kanilang dedikasyon sa serbisyo.

Sa hinaharap, nakatakdang itayo sa Lanao del Sur ang iba’t ibang pasilidad tulad ng Social Development Center (SDC), Bahay Pag-asa, Orphanage, Kanlungan Center para sa kababaihan, Legacy House para sa matatanda, at Center for Persons with Disabilities (CPWD).

Hinihikayat din ni Minister Jajurie ang pamahalaang panlalawigan na pag-ibayuhin ang internet connectivity upang suportahan ang digitization efforts ng MSSD, kabilang ang Financial Assistance System Transformation (FAST) para sa mas mabilis na pagbibigay ng ayuda.

Ang pagpupulong na ito sa Lanao del Sur ang huling bahagi ng serye ng provincial assemblies ng MSSD sa buong rehiyon ng Bangsamoro, kabilang ang Tawi-Tawi, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area, at Sulu. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOST-BARMM Nagsagawa ng Pagsusuri at On-Site Monitoring sa Apat na Proyekto ng Pananaliksik ng MSU-Marawi
Next post UBJP President Ebrahim Pinangunahan ang Mass Oath-Taking ng mga Kandidato ng MDN at MDS