
Persons Deprived of Liberty sa Malabang District Jail, Tumanggap ng Serbiyo mula sa MSSD

COTABATO CITY(Ika-7 ng Pebrero, 2025)—Ipinakita ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang patuloy nitong pangako sa katarungang panlipunan at karapatang pantao sa pamamagitan ng isang outreach program para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Malabang District Jail noong ika-21 ng Enero.
Sa pakikipagtulungan ng Public Attorney’s Office (PAO) at Rural Health Unit (RHU), isinagawa ang aktibidad upang maghatid ng mahahalagang serbisyo at tulong sa mga PDL bilang bahagi ng adbokasiya ng Bangsamoro Government sa inklusibong pamamahala at social welfare.
Namahagi ang MSSD ng hygiene kits at food packs na naglalaman ng 25 kilo ng bigas, iba’t ibang de-latang pagkain, at instant coffee. Nagbigay naman ng libreng konsultasyong legal ang PAO upang matulungan ang mga PDL, habang ang RHU ay naghatid ng serbisyong medikal. Bukod dito, nagbigay rin ng libreng gupit ang mga kasundaluhan upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangang pangkalinisan.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na isinusulong ng MSSD ang kapakanan at karapatan ng mga PDL, na naglalayong mapadali ang kanilang rehabilitasyon at muling pagbabalik sa normal at malayang pamumuhay. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)