MSSD Pinasaya ang Pamilya ng mga Nakakulong sa Marawi City Jail sa Paggunita ng 2024 Bangsamoro Children’s Month
COTABATO CITY (Ika-17 ng Nobyembre, 2024) — Dinala ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang walumput isa (81) na anak ng Persons Deprived of Liberty (PDL) o preso sa Marawi City Jail bilang paggunita sa selebrasyon ng 2024 Bangsamoro Children’s Month, kasama ang miyembro ng Bangsamoro Regional Sub-Committee for the Welfare of Children (RSCWC) at Regional Juvenile Justice and Welfare Council (RJJWC), para sa isang outreach program noong ika-14 ng Nobyembre.
Sa pahayag ng MSSD, ang bawat kalahok na bata ay nakatanggap ng cap, tumbler, at payong mula sa MSSD. Bukod dito, sumuporta din ang Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) na nagbigay ng pagkain para sa mga kalahok, habang ang Ministry of Health (MOH) ay namahagi ng mga hygiene kit sa 165 PDL na kababaihan sa tatlong pasilidad ng kulungan sa Marawi City.
Dagdag pa ng MSSD na ang programang ito ay naglalayong magbigay ng pagkakataon para sa mga bata at kanilang mga magulang na PDL na makapag-bonding at magdiwang nang sama-sama sa Bangsamoro Children’s Month.
“Masaya na ako nakasama ang mga anak ko sa ganitong activity. Sobrang saya nila lalo na nakatanggap pa sila ng mga supplies tulad ng tumbler na pangarap ko lang bilhin para sa kanila. Maraming salamat sa pag-alala MSSD,” wika ni Ali (hindi tunay na pangalan), isa sa mga PDL, na nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa MSSD.
Kabilang sa mga aktibidad ang isang oryentasyon sa Mga Karapatan ng Bata at Proteksyon ng Bata, kasama ang mga masasayang laro na nilahukan ng mga PDL at kanilang mga anak.
Ayon pa kay Johynne Amilyn G. Nasa, Regional Focal Person for Child and Youth Welfare Program ng MSSD, sila ay nalulugod na simulan ang Outreach Programs ngayong taon sa Marawi City Jail, na kabilang sa una sa isang serye ng mga outreach na aktibidad na nakahanay para sa pagdiriwang ng 2024 Bangsamoro Children’s Month.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC), Public Attorney’s Office (PAO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Marawi City Social Welfare. at Development Office. (Tu Alid Alfonoso, BMN/BangsamoroToday)