MBHTE Nagpatayo ng mga Paaralan sa SGA at Nagtalaga ng mga Bagong Guro para sa Mas Matatag na Edukasyon sa Bangsamoro

(Litrato Mula sa MBHTE-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-16 ng Nobyembre, 2024 ) — Upang lalo pang mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim
Mindanao ay nagsagawa ng groundbreaking ceremonies sa Special Geographic Areas (SGA) ang tanggapan ni MBHTE Minister Mohagher M. Iqbal noong ika- 12 ng Nobyembre.

Nagpagawa si Iqbal ng dalawang palapag na gusali na may tig-dalawang silid-aralan. Ang mga proyektong ito ay matatagpuan sa Siento Elementary School sa Brgy. Pedtad, Old Kabacan, at ang Dabpil Sampulna Olandang High School sa Brgy. Olandang, Nabalawag, SGA.

Ang kabuuang halaga ng proyekto ay PhP10,156,000.00 ay mula sa pondo ng GAAB 2024.

Sa pamamagitan ng pagpapahusay sa mga pasilidad sa edukasyon sa buong rehiyon, ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ay tumutulong upang mabigyan ng kalidad na edukasyon ang bawat kabataang Bangsamoro.

Samantala, idinaos rin ng MBHTE ang isang oath-taking ceremony ngayong ika-11 ng Nobyembre para sa pagtatalaga ng mga bagong opisyal at guro sa sektor ng edukasyon sa Bangsamoro. Kasama rito si Norie Mamalinta bilang bagong Schools Division Superintendent ng Maguindanao del Sur, at si Ms. Liezl A. Del Castillo bilang Teacher I sa Upi Agricultural School.

Sa seremonya, binati ni Iqbal ang dalawang bagong hirang na opisyal at guro sa matagumpay na pagdaan nila sa masusing proseso ng pagpili. Pinuri rin niya ang kanilang dedikasyon sa kanilang mga tungkulin at hinikayat silang itaguyod ang pag-unlad sa akademya at pagsilbihan ang komunidad para sa layuning makamit ang dekalidad na edukasyon sa rehiyon.

Sa kanyang talumpati, ipinaabot ni SDS Mamalinta ang kanyang hangaring pamunuan ang dibisyon ng may kahusayan, pangako, at mataas na pamantayan. (Tu Alid Alfonso, Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post SUBATRA Program Katuwang sa Pagpapalakas ng mga Katutubo sa BARMM
Next post MSSD Pinasaya ang Pamilya ng mga Nakakulong sa Marawi City Jail sa Paggunita ng 2024 Bangsamoro Children’s Month