MSU-Sulu, May Bagong Training Center na Magbibigay Benepisyo sa mga Mag-aaral
COTABATO CITY (Ika-13 ng Nobyembre, 2024)— Opisyal nang magagamit ng mga mag-aaral ng Mindanao State University (MSU)-Sulu ang isang bagong multipurpose human development training center matapos ang pormal na turnover ceremony na isinagawa noong ika-5 ng Nobyembre sa MSU-Sulu campus.
Ang proyekto ay ipinagkaloob ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), katuwang ang Opisina ni Member of Parliament (MP) Atty. Jose I. Lorena, sa ilalim ng Transitional Development Impact Fund (TDIF).
Sa seremonyang pinangunahan ni MHSD Deputy Minister Aldin H. Asiri, ipinaabot niya ang importansya ng bagong gusali para sa pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan ng mga estudyante at iba pang sektor. Aniya, makatutulong ang training center sa pagtugon sa pangangailangan ng komunidad na may layuning makatulong sa paghubog ng mga kabataang may kakayahan at handang maglingkod sa lipunan.
Pinuri ni Dr. Kadafi A. Basaluddin, Director for Planning and Development ng MSU-Sulu, ang proyektong ito dahil napapanahon ang karagdagang pasilidad sa unibersidad dulot ng patuloy na pagdami ng mga mag-aaral. Sinabi niya na ang bagong gusali ay magsisilbing mahalagang instrumento sa kanilang patuloy na pagpapaunlad ng mga estudyante sa iba’t ibang larangan.
Ayon kay Zhamir-Raad M. Sahipa, kinatawan ni MP Lorena, ang pagsuporta ng Member of Parliament sa proyektong ito ay bahagi ng patuloy niyang pagtulong sa sektor ng edukasyon ng Bangsamoro. Siniguro ni Sahipa na nananatiling bukas ang tanggapan ni MP Lorena sa mga proyektong makakatulong sa pag-unlad ng komunidad ng MSU-Sulu.
Ipinahayag naman ni Prof. Rohina S. Adju, Director for Administration ng MSU-Sulu, ang kanyang pasasalamat sa MHSD at kay MP Lorena para sa proyekto. Ayon sa kanya, ang bagong training center ay tugon sa lumalaking pangangailangan ng mga estudyante sa unibersidad.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Bangsamoro Director General Esmael W. Ebrahim ang kanyang kasiyahan sa tagumpay ng proyektong ito na bahagi ng mga inisyatibong pangkaunlaran ng MHSD sa Sulu.
Sa pagtatapos ng programa, ipinaabot ni Prof. Abubakar I. Radjuni ang pasasalamat ng MSU-Sulu sa lahat ng bumubuo ng proyekto. Binigyang-diin niya ang halaga ng dedikasyon ng mga guro at kawani ng unibersidad sa paglilingkod sa mga mag-aaral at sa patuloy na pakikipagtulungan sa MHSD. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)