55 BASE at BASE-Merit Scholar ng Basilan, Nanumpa at Tumanggap ng Cash Grant
COTABATO CITY (Ika-9 ng Nobyembre, 2024)— Pinangunahan ng Ministry of Science and Technology (MOST) ng Bangsamoro Government, sa pamumuno ng Science Education, Scholarships, and Grants Division at ng Provincial S&T Center sa Basilan, ang seremonyang ito upang suportahan ang pangangailangang edukasyonal ng mga mag-aaral na scholar.
Limampu’t limang (55) opisyal na grantee ng Bangsamoro Assistance for Science Education (BASE) at Merit Scholarship Programs sa lalawigan ng Basilan ang nanumpa at tumanggap ng cash grant noong ika-6 ng Nobyembre, ayon pa sa MOST.
Isinagawa ang oath-taking ng kabuuang 28 BASE at 27 Merit scholars sa Basilan State College Amphitheater, sa pangunguna ni Bangsamoro Director-General Engr. Abdulrakman Asim, PME, MERIE, kasama sina Supervising Science Research Specialist (SRS) Dr. Alimudin Kandang, Senior SRS Engr. Shariff Molzir Ampatuan Bernan, at PSTC Basilan Head Arfie Edris.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Engr. Abdulrakman ang mga grantee na manatiling nakatuon, magpursige sa pag-aaral, at magbigay-ambag sa paglago ng science, teknolohiya, at inobasyon sa rehiyong Bangsamoro.
Nagpaalala naman si Dr. Kandang sa kahalagahan ng maagap na pagsusumite ng mga akademikong kinakailangan bawat semester upang maiwasan ang pagkaantala ng kanilang mga allowance. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)