‘Pamimilit, hindi totoo’ – Mayors ng Maguindanao del Norte at suportado ang kaalyadong UBJP Gubernatorial Candidate Datu Tucao Mastura sa 2025 Elections 

Mayors ng Maguindanao del Norte mula sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na pinasinungalingan ang “pamimilit” na isyung lumabas sa social media. (Litrato kuha ni Mohamiden G. Solaiman, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-9 ng Oktubre, 2024) — Nagtipun-tipon ang mga mayor ng Maguindanao del Norte sa isang press conference, sa pangunguna ni Mayor Datu Umbra B. Dilangalen ng Northern Kabuntalan, upang ituwid ang mga alegasyon ng pamimilit na lumabas sa social media kaugnay ng kanilang pagdalo sa nakaraang pulong sa Davao City.

Sinabi ng mga mayor ang mga paratang bilang hindi totoo. Pahayag pa ni Mayor Abdul Rauf D. Tomawis ng Barira, “Walang katotohanan ang mga alegasyon. Pumunta kami roon upang makipag-usap para sa kapayapaan at pag-unlad.” Ito ay kinumpirma din ni Mayor Datu Salaban G. Diocolano ng Mother Kabuntalan na wala silang narinig na pananakot, “Wala akong narinig na anumang pananakot. Ang tanging pinag-usapan namin ay ang kapayapaan sa Maguindanao del Norte.”

Ayon naman kay Mayor Cahar P. Ibay ng Parang, “Yung pagpunta po namin doon ay para lumakas ang partido ng PFP at ang partido ng UBJP. So wala pong pamimilit yun. This is a political exercise na mamili na mga kaalyadong mga leaders to join the political party. Kaya itong ating grupo na PFP at ang grupo ng UBJP sa ngayon po ay napakalakas po ng grupo para po sa 2025 election. Kaya ito po ay handang-handa sumabak para po sa incoming 2025 election.”

Sa pagsasalaysay ni Mayor Ma. Rona Cristina A. Piang-Flores ng bayan ng Upi, “Pumunta po kami voluntarily doon with the aim and purpose po na maayos po at mapag-usapan ang mga bagay-bagay po, maplansya po ang problema po para po sa progress, para po sa development, para po sa unity, pagkakaisa po ng bawat munisipyo, ng bawat constituent po ng Maguindanao Del Norte po.”

Binigyang-diin din nito ang kanilang pagkakaisa sa kanilang layunin na magtulungan para sa mas maayos na pamumuno at mas maliwanag na hinaharap.  “Gaya po nung sinabi namin doon sa resolution po sa statement po, we go there on our own free will because para po sa aming shared goal na para po sa unity, para po sa ikauunlad at progress po ng Maguindanao Del Norte po,” ani Mayor Flores.

Ayon din kay Mayor ng Matanog Zohria Bansil Guru, kung san ang nasabing pulong ay para mapalakas ang kanilang partido, “Yun lang ang dahilan kung bakit pumunta kami doon, dahil sa isa kaming team, isang partido, pumunta kami doon para mapalakas namin ang aming partido na isasambak sa 2025. So bilang partido po namin ang UBJP at PFP ay nandun po kami. Nagpasalamat po kami sa nag-facilitate para maayos na yung aming partido ngayong 2025.”

“Ang talagang adhikain nun ay unification ng ating mga leaders. Pumunta kami doon na bukal sa aming kalooban dahil ang purpose nun ay para sa unification ng ating mga isasabak sa 2025,” dagdag pa nito.

Sa kanilang resolusyon, muling inilahad ng mga mayor ang kanilang suporta kay Datu Tucao Mastura bilang susunod na gobernador ng probinsya.

Samantala, buo ang suporta ng mga Mayor ng Maguindanao del Norte sa kandidatura ni Datu Tucao O. Mastura bilang pambato ng UBJP bilang gobernadora ng lalawigan.

“Katunayan po lahat kaming mga Maguindanao del Norte mayors ay taos-pusong sumusuporta sa kandidatura ni Datu Tucao Mastura bilang susunod na gobernador ng Maguindanao Del Norte, isang bagay na suportado rin ng ating kasalukuyang gobernador, Sam Macacua, ” wika ni Mayor Dilangalen.

“Sapagkat isa po yun sa pinagkasunduan ng aming partido na si Datu Tucao Mastura ay suportahan namin, at yan po ay isa sa napag-usapan doon, katunayan po we have swear to the Holy Quran to support and to manifest that gagawin po namin ang lahat para po masuportahan si Datu Tucao Mastura, at siya naman po ay nanumpa rin na suportahan po yung mayors na kasama po niya sa Partido,” punto pa nito.

Nagbigay din ng kanyang statement si Mayor of Datu Blah Sinsuat, na si Datu Marshall Sinsuat ukol sa usapin, “So yun po wala pong pamimilit, wala pong pananakot, wala pong pagdidikta na sinasabing galing kay SAP Lagdameo. Nagpapasalamat nga po kami sa kay SAP, dahil sila po yung nag-initiative na magkakasundo yung mga politician dito sa Maguindanao del Norte.”

Nagpapasalamat naman si Mayor Dilangalen kay PBBM dahil sa patuloy na pinahahalagahan nito ang kapayapaan sa Mindanao.

“Nais naming pasalamatan ang pangulong Bongbong Marcos sa patuloy pong pinapahalagahan yung mga pangkapayapaan dito sa timog ka-Mindanaoan. Hanggang sa ngayon ay di lahat ng napagkasunduan na pangkapayapaan ay patuloy na ito ay sabihing being observe. No less than the President of the Republic of the Philippines na siyang nagbibigay ng kautusan para patuloy po yung pag uusap at pagsama-sama na ipagpatuloy po yung pinag usapan between the government and the MILF, kaya nga po nakita natin na ang ating Interim Chairman, Interim Governor of the BARMM [Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim], ay kasama po sa paghahanap ng kaayusan sa Maguindanao Del Norte.”

Dagdag pa ni Dilangalen, “Nakakalungkot  lang din na pagusapan yung mga negatibong bagay sapagkat ang mamamayan ng Bangsamoro ay nagpapahalaga sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front at lahat naman po ay umaasa na magpapatuloy po ang ating usaping pangkapayapaan, alam naman nating lahat na marami pa pong hindi naisakatuparan na nakapaloob po doon sa usapin.”

Ang press conference na ginanap ngayong araw ng Miyerkules, ika-9 ng Oktubre, sa Alnor Hall Hotel, Cotabato City ay naging pagkakataon para sa mga mayor na ipahayag ang kanilang saloobin at ituwid ang mga hindi tamang impormasyon, layunin nito na mapanatili ang tiwala ng kanilang mga nasasakupan at itaguyod ang kaunlaran sa Maguindanao del Norte. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post PNP at BARMM, Nagkaisa para sa Matibay na Kooperasyon at Kapayapaan sa Rehiyon
Next post Minister Iqbal, Nag-turnover ng Sasakyan sa Directorate General for Higher Education para Palakasin ang Transportasyon ng mga Kawani