Lalawigan ng Maguindanao del Norte, Ginunita ang National Peace Consciousness Month
COTABATO CITY (Ika-2 ng Oktubre, 2024) — Ipinagdiwang ng Lalawigan ng Maguindanao del Norte sa pangunguna ni Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang National Peace Consciousness Month kasama ang kanilang mga katuwang sa kapayapaan noong ika-30 ng Setyembre.
Sa temang “Bagong Pilipinas: Transforming Minds, Transforming Lives”, binigyang-diin ng programa ang kapangyarihan ng kapayapaan sa pagbabago ng pamumuhay ng tao. Layunin din ng okasyong ito na ipakita ang sama-samang pagsisikap ng pamahalaan at iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyong Bangsamoro.
Isa sa mga pangunahing tagapagsalita, si Ustads Marhan Borhan, ay tinalakay ang kahalagahan ng dayalogo sa isang pluralistikong lipunan. Kanyang binigyang-diin ang mahalagang papel ng pananampalataya sa pagpapanatili ng mapayapang ugnayan sa bawat isa.
Ang National Peace Consciousness Month ay itinatag sa bisa ng Proclamation No. 67, at ipinagdiriwang tuwing Setyembre. Ang proklamasyon ay inilabas upang itaguyod ang mas malalim na kamalayan at pag-unawa ng mamamayang Pilipino sa proseso ng kapayapaan.
Layunin din nito na palakasin ang suporta mula sa mga institusyon at mamamayan para sa kapayapaan, bilang bahagi ng pandaigdigang kilusan ng United Nations para sa kultura ng kapayapaan na nakabatay sa hindi paggamit ng dahas, respeto sa karapatang pantao, pagkakaunawaan, at pagkakaisa. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)