MSSD Namahagi ng Honorarium sa Child Development Workers ng Lanao del Sur at Home Visitation para sa mga Benepisyaryo ng Unlad Program sa Maguindanao del Sur
COTABATO CITY (Ika-23 ng Setyembre, 2024)— Ipinamahagi ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamamagitan ng kanilang Lanao del Sur A Provincial Office ang honorarium ng mga Child Development Workers (CDWs) para sa ikalawang quarter ng 2024 ika-19 hanggang ika-20 ng Setyembre 19-20 sa mga bayan ng Balindong at Wao.
Bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa maagang edukasyon, tumanggap ng PhP12,000 ang bawat CDW, na katumbas ng kanilang PhP4,000 buwanang honorarium para sa ikalawang quarter ng taon. Sa kabuuan, 42 ang benepisyaryo mula sa Wao at 24 mula sa Balindong.
Ang buwanang honorarium para sa mga CDW ay bahagi ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program ng MSSD na ipinatutupad sa ilalim ng Children and Youth Welfare Program (CYWP). Ang mga CDW ay nagbibigay ng mahalagang pangangalaga, suporta, at edukasyonal na gabay sa mga bata sa mga Child Development Centers (CDCs) at Supervised Neighborhood Play (SNP) programs.
Sila rin ay nagsasagawa ng mga aktibidad sa pagkatuto, nagtataguyod ng maagang edukasyon, at tumutulong sa paghubog ng kasanayan sa pakikisalamuha ng mga bata. Bukod dito, nakikipagtulungan din sila sa mga magulang upang mapalakas ang kasanayan sa pag-aalaga at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng pamilya sa pag-unlad ng mga Bata.
Samantala, isinagawa rin ng Ministry of Social Services and Development, sa pamamagitan ng kanilang Maguindanao del Sur Provincial Office, ang serye ng monitoring at home visitations para sa mga benepisyaryo ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Anggal Midtimbang, Datu Paglas, Datu Saudi Ampatuan, at Paglat mula ika-13 hanggang ika-30 ng Agosto.
Higit sa 80 benepisyaryo ng Unlad Program ang binisita ng mga Municipal Social Welfare Officers (MSWOs) upang suriin ang progreso ng iba’t ibang proyekto pangkabuhayan na suportado ng programa. Ang monitoring na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap upang matiyak na ang tulong na ibinibigay sa pamamagitan ng Unlad program ay nagdudulot ng positibong resulta at nagpapabuti sa kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga benepisyaryo.
Ipinakita sa monitoring ang malalaking pagbabago sa maraming proyekto pangkabuhayan. Isang natatanging kwento ang tungkol sa isang maybahay mula sa Datu Paglas na gumamit ng kanyang seed capital na PhP15,000 upang bumili ng tatlong kambing. Sa kanyang sipag at tiyaga, dumami ang mga kambing at umabot na sa anim, na patunay sa tagumpay ng programa sa pagpapaunlad ng kabuhayan sa pamamagitan ng maliliit na proyekto.
Ang Unlad program ay naglalayong magbigay ng pinansyal at teknikal na suporta sa mga pamilyang nangangailangan sa rehiyong Bangsamoro, upang matulungan silang makapagsimula ng mga pangmatagalang kita. Binigyang-diin ng mga MSWO ang kahalagahan ng patuloy na gabay at monitoring upang matiyak ang tagumpay ng mga proyektong pangkabuhayan ng mga benepisyaryo sa pangmatagalang panahon.
Ang mga monitoring visits na ito ay inaasahang mag-aambag sa patuloy na pag-unlad ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga lugar na nangangailangan ng pagpapabuti at pagbibigay ng mas konkretong suporta sa mga benepisyaryo. Patuloy na nagsisilbing mahalagang inisyatibo ng Bangsamoro Government ang Unlad Program sa pagsulong ng kabuhayan ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng mga pangmatagalang oportunidad sa kita. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)