LTO at BLTO-BARMM nagkasundo para sa LTMS Extension
COTABATO CITY (Ika-19 ng Setyembre, 2024) — Nagkasundo ang Land Transportation Office (LTO) at Bangsamoro Land Transportation Office (BLTO) sa paglagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapalawak ng Land Transportation Management System (LTMS) sa BLTO, na ginanap ngayong hapon ng Huwebes sa Bulwagang Romeo F. Edu, LTO Central Office.
Ang inisyatiba na ito ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapabuti ng mga serbisyo ng transportasyon at digital integration sa rehiyon ng Bangsamoro.
Pinangungunahan ng mga opisyal na sina DOTr Secretary Jaime J. Bautista, LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, MOTC Minister Atty. Paisalin P. Tago, BLTO Director Engr. Razul D. Gayak, DOTr Asec. Ricardo E. Alfonso Jr., and MOTC Director General Atty. Roslaine L. Macao-Maniri.
Nandoon din si DOTr Usec. Renier Paul R. Yebra, LTO Executive Director, Atty. Greg G. Pua Jr., kasama ang iba pang opisyales ng LTO, MOTC, BLTO at representatives mula sa Intergovernmental Relations Body (IGRB), bilang pagpapakita ng matibay na pagtutulungan ng mga ahensya sa pagpapahusay ng paghahatid ng serbisyo publiko.
Ayon pa sa LTO, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng LTMS, nakatakdang makinabang ang BLTO mula sa mga pinahusay na sistema para sa paglilisensya, pagpaparehistro, at pagpapatupad ng batas, na tinitiyak ang mas mabilis at mas maaasahang paghahatid ng serbisyo publiko.
Ang kasunduan ay patunay ng dedikasyon ng LTO na pagbutihin ang LTMS sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Bangsamoro, upang masiguro ang episyenteng mga serbisyo sa transportasyon at palakasin ang intergovernmental cooperation. Inaasahang magbibigay ang MOA ng mas maayos na pamamahala sa transportasyon sa rehiyon ng BARMM at pagpapadali sa pag-akses ng mga mamamayan ng Bangsamoro sa mga serbisyo ng transportasyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)