UBJP Patuloy ang Pagpapalakas bilang Paghahanda sa BARMM 2025 Parliamentary Elections
COTABATO CITY (Ika-16 ng Setyembre, 2024) — Sa isinagawang press conference ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), na pinangunahan ni UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin T. Ali, MNSA nitong araw ng Linggo, ay ipinaabot ng partido ang kanilang kalungkutan sa desisyon ng Korte Suprema na ang Sulu ay inalis mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ayon sa partido, hindi nila inaasahan ang naturang desisyon.
“Tayo ho ay nalulungkot na sa decision ng Supreme Court tungkol ho sa Sulu. As a province na hindi na siya magiging part for now ng BARMM. We didn’t really expect this thing to happen,” pahayag ni Ali.
Ayon sa UBJP, patuloy ang kanilang mga aktibidad at proyekto sa BARMM at kabilang dito ang mga programa sa Sulu, tulad ng huling General Assembly na isinagawa sa Sulu Province, kung saan mainit na tinanggap ng mga Tausug ang UBJP bilang kanilang pambato sa darating na BARMM 2025 elections.
“We have a lot of activities, especially on the BARMM site in terms of the programs and projects na continuously implement po natin. And even the last round of the General Assembly that we did sa Sulu Province po. Nakita naman po natin kung how the constituency of Sulu in Jolo town welcomed the UBJP sa pag conduct po natin ng General Assembly,” wika ni Ali.
Kamakailan lamang, pumirma ang UBJP ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa pagpaplano ng bagong paliparan sa Sulu, na inaasahang makakatulong sa pag-unlad ng nasabing lugar. Ang feasibility study para sa proyekto ay pinondohan ng parliyamento dagdag pa nito.
Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema, nakatuon pa rin ang UBJP sa paghahanda para sa mga darating na halalan. Ang political convention ng UBJP ay nakatakda sa Setyembre 28, na ayon kay Ali ay maaari ding mabago ang iskedyul, at ipapaalam ito ng partido ang anumang pagbabago sa mga susunod na araw.
Tinalakay din sa Press Conference ang isa sa mga pangunahing isyu na epekto ng desisyon sa pitong distrito sa Sulu. Ang UBJP ay nagplano ng mga pulong mula ngayong buwan hanggang Nobyembre a kwatro (4) upang pag-usapan ang mga posibleng hakbang ukol sa mga distrito na apektado.
Ipinahayag din ng UBJP na tuloy-tuloy silang magsasagawa ng mga pagpupulong upang matiyak ang maayos na pagbuo ng kanilang slate para sa halalan sa 2025. Ang mga nominadong indibidwal para sa partido ay nasa proseso ng pagbuo, at umaasa silang maabot ang layuning magkaroon ng isang kandidato para sa bawat posisyon upang maiwasan ang pag-aagawan sa loob ng partido, ani Ali.
Sa isyu ng pag-uusap sa pagitan ng UBJP at ng Chief Minister, ipinahayag ng partido na walang ulat ng hindi pagkakaunawaan. Ayon sa kanila, bukas ang UBJP sa pakikipag-usap sa lahat ng mga partido at walang problema sa pag-aayos ng mga pulong.
Tiniyak naman ng UBJP na patuloy nilang isusulong ang kanilang mga layunin para sa Sulu at sa buong BARMM, sa kabila ng mga hamon na dulot ng desisyon ng Korte Suprema. (Hanadz D. Saban, Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)