Panukalang Batas para sa Leave Benefits ng mga Empleyado sa BARMM, Tinalakay ng Bangsamoro Parliament
COTABATO CITY (Ika-16 ng Setyembre, 2024) — Tinalakay ng Rules Committee ng Bangsamoro Parliament ang apat na panukalang batas na naglalayong magbigay ng leave benefits sa mga empleyado ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga panukalang batas ay naglalayon na magbigay ng bayad na leave para sa mga empleyado na dumaranas ng pagkawala ng malapit na kapamilya at para sa mga nagnanais na makilahok sa mga relihiyosong gawain.
Ang deliberasyon ay isinagawa matapos ang dalawang araw na roundtable discussion kasama ang iba’t ibang stakeholders upang pag-usapan ang Parliament Bill Nos. 270, 276, 281, at 282. Layunin ng mga nasabing panukala na isulong ang karapatan ng mga empleyado sa leave benefits, lalo na sa panahon ng pagdadalamhati at sa panahon ng mga relihiyosong okasyon.
Pinamunuan ni Floor Leader Sha Elijah B. Dumama-Alba ang Rules Committee sa pagsusuri ng mga panukala. Ayon sa kanya, susuriin ng komite ang mga feedback mula sa mga stakeholder at titimbangin ang mga epekto ng mga panukalang batas sa kapakanan ng mga empleyado at sa operasyon ng mga negosyo sa rehiyon.
Dagdag ni Atty. Dumama-Alba, na tutugunan ng komite ang mga pangangailangan ng mga manggagawa habang isinasaalang-alang ang mga realidad ng pagpapatakbo ng mga Negosyo upang matiyak na magiging patas at makatarungan ang mga benepisyong ibibigay. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)