Pormal na Paglulunsad ng Bangsamoro Historical Timeline, Pinangunahan ni Chief Minister Ebrahim

(Litrato mula sa Office of the Senior Minister Facebook page)

COTABATO CITY (Ika-15 ng Setyembre, 2024)— Matagumpay na isinagawa ang Bangsamoro Historical Timeline sa pangunguna ni Senior Minister Abunawas “Von Al-Haq” L. Maslamama na kumatawan kay Bangsamoro Chief Minister Ahod B. Ebrahim. Ang nasabing kaganapan ay inorganisa ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) isinagawa sa Bangsamoro Museum, SKCC, BCG, Cotabato City noong ika-12 ng Setyembre.

Pinuri ni Chief Minister Ebrahim ang Bangsamoro Historical Timeline bilang isang mahalagang tagumpay sa patuloy na paglalakbay ng rehiyon patungo sa sariling pamamahala at sa pagpapalakas ng kultura at kasaysayan ng Bangsamoro.

Ang Bangsamoro Historical Timeline ay isa anyang patunay ng katatagan ng Bangsamoro at determinasyon na isabuhay ang karapatan sa sariling pagpapasya. Ito ay nagsisilbing pundasyon ng kolektibong identity at nagbibigay-daan sa mas malalim na pananaliksik at pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Bangsamoro, pahayag ni Chief Minister Ebrahim.

Binigyang-diin din ni Chief Minister Ebrahim ang kahalagahan ng kasaysayan sa pagtataguyod ng hinaharap ng Bangsamoro. “Our identity is not just about our past but also about our aspirations and ideals towards building a Bangsamoro that is empowered, cohesive, and progressive,” dagdag niya.

Tampok sa nasabing kaganapan ang pagbubukas ng Timeline Kiosk, isang digital platform na magbibigay-daan sa publiko na magkaroon ng mas madaling akses sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng rehiyon.

Pinangunahan nina Senior Minister Maslamama at BCPCH Chairperson Salem Y. Lingasa ang opisyal na pagbubukas ng kiosk, kasama ang mga piling panauhin tulad nina BTA Secretary-General Prof. Raby Angkal, Prof. Darwin Absari, at mga komisyoner ng BCPCH.

Nilalayon ng Bangsamoro Historical Timeline na palalimin ang kaalaman at pang-unawa ng publiko sa mayamang kasaysayan ng Bangsamoro, habang itinatampok ang makulay nitong pamana. Ang inisyatiba ay inaasahang mag-aambag sa pagpapalakas ng pagkakaisa, edukasyon, at kultura tungo sa pangmatagalang kapayapaan at sariling pamamahala ng rehiyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Moro Netizens React to Supreme Court’s Decision on Sulu’s Exclusion from BARMM
Next post Twenty Halal-Friendly Philippine Products to be Showcased at Trade Fair in Malaysia