MSSD Nagsagawa ng Family Development Session sa Malidegao, SGA at Namahagi ng 300 Emergency Go Bags sa Marawi City
COTABATO CITY (Ika-10 ng Setyembre, 2024) — Isinagawa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamamagitan ng Special Geographic Area (SGA) provincial office ang isang Family Development Session para sa 103 benepisyaryo ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program (UPBP) sa covered court ng Barangay Batulawan, Malidegao, SGA noong ika-8 ng Setyembre.
Tinalakay sa sesyon ang temang “Women in Islam” na pinangunahan ni Ustadz Salih Uday Munsay bilang tagapagsalita. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang kalagayan ng kababaihan bago pa man dumating ang Islam, ang mga karapatan ng kababaihan at ang kanilang lugar sa Islam, ang papel ng mga kababaihan sa lipunang Islamiko, kababaihan bilang mga ahente ng pagbabago sa lipunan, at ang mga karapatan ng kababaihan sa loob ng kasal.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng implementasyon ng UPBP program, kung saan regular na isinasagawa ang mga Family Development Sessions kada tatlong buwan para sa mga benepisyaryo, bukod pa sa pagbibigay ng pinansyal na tulong.
Ayon kay Almadin M. Turuganan, Acting Municipal Social Welfare Officer ng MSSD Malidegao, “These family development sessions will provide beneficiaries with additional knowledge and awareness on social issues, as well as the rights of women and children.”
Samantala, namahagi rin ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng 300 Emergency Go Bags sa mga lokal na pamahalaan ng Barangay sa Marawi na ginanap sa City Hall Gymnasium ng lungsod noong ika-28 ng Agosto.
Ang bawat Emergency Go Bag ay naglalaman ng mga kagamitan tulad ng solar lamp, radyo, pito, lubid, collapsible water container, file bag, first aid kit, compress dressing, gauze roll bandage, adhesive bandage, adhesive cloth tape, antiseptic wipes, sterile gauze pads, itch-control ointment, thermometer, non-latex gloves, bandage shear, tweezers, thermal blanket, cotton balls, povidone-iodine, maliit na backpack, manual resuscitator, cardiopulmonary resuscitation kit, triangular bandage, bleeding control pouch, tactical medical tourniquet, chest seal, duct tape, permanent marker, rubber boots, at mga raincoat.
Bago ang pamamahagi, nagsagawa ng oryentasyon ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Marawi City. Nakatuon ito sa tamang paggamit ng mga kagamitan sa loob ng go bags para sa mga emerhensiya sa kani-kanilang mga lugar.
Ang distribusyon ng mga Emergency Go Bags ay mithiin nitong bigyan ng sapat na kagamitan ang Barangay Disaster Risk Reduction Management Council, mga responders, at boluntaryo upang maging mas epektibo sa pagtugon sa panahon ng sakuna at emergency.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Ligtas Pamilya Project ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng MSSD, na naglalayong palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga community leaders, local responders, at mga kabahayan sa disaster preparedness at resilience. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)