Pagtatayo ng Bangsamoro Memorial Marker at Eco-Park sa Camp Abubakar, Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament

(Litrato mula sa BTA-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-20 ng Agosto, 2024) — Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang pagtatayo ng isang Bangsamoro memorial marker at eco-park sa Camp Abubakar, Barira, Maguindanao del Norte sa ilalim ng Parliament Bill No. 35. Ang panukalang batas ay nakatanggap ng buong suporta mula sa mga miyembro ng Parliament, na may 48 boto na pabor, walang tutol, at walang abstention.

Ang panukala ay isinulong ng Government of the Day na nagsisilbing parangal sa mga Shuhada o martyrs para sa matagalang pakikibaka ng Bangsamoro para sa kanilang mga karapatan at pagkilala. Napakahalaga ang Camp Abubakar sa kasaysayan ng Bangsamoro dahil itinatag ito ng yumaong si Sheikh Salamat Hashim, Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ayon kay Abdullah Hashim, miyembro ng Parliament at anak ni Sheikh Salamat Hashim, mahalaga ang proyekto sa aspeto ng edukasyon at kultura. Aniya, magsisilbi itong lugar ng pagninilay at pag-aaral para sa mga susunod na henerasyon. 

Nilalayon ng panukalang batas na magtayo ng isang memorial marker na magpapaalala sa mga shuhada mga indibidwal na direkta o hindi direktang nag-ambag sa armadong pakikibaka ng Bangsamoro.

Ang marker na ito, na magiging pangunahing bahagi ng Bangsamoro eco-park, ay maglalaman ng mga pangalan ng mga martyr upang matiyak na ang kanilang mga kontribusyon sa naabot ngayon ng Bangsamoro ay pormal na kikilalanin at mapapanatili.

Ang eco-park ay idinisenyo bilang isang espasyo na mayaman sa kultura, na magtatampok ng mga disenyo at elemento ng arkitektura na inspirasyon mula sa pamana ng Bangsamoro. Magkakaroon din ito ng iba’t ibang pasilidad tulad ng isang multi-purpose hall, palaruan para sa mga bata, paradahan, mga comfort room, at mga access road. 

Ang pangangasiwa sa proyekto ay pamamahalaan ng bagong tatag na Bangsamoro Memorial Management Board (BMMB). Ang board na ito ay magtatakda ng mga pamantayan para sa memorial, tutukoy sa sukat ng lupa para sa eco-park, at makikipagtulungan sa iba pang mga entidad upang matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto.

Bibigyan din ng BMMB ng pagkakataon ang komunidad na makilahok sa proseso ng pagpaplano at pag-aaplay ng mga pangalan para sa memorial marker, na isusumite sa Tanggapan ng Punong Ministro.

PhP15 milyon ang inilaan para sa pagtatayo ng memorial marker at ng eco-park. Pagkatapos ng pagkumpleto at pag-turnover ng mga proyekto, ang BMMB ay bubuwagin at ang natitirang mga responsibilidad nito ay ililipat sa Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH). (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MP Antao, Lumahok sa 4 na Araw na Learning Session at Benchmarking sa Senado
Next post 25 Trainees Dumalo sa Training Induction Program Driving NC-II sa Tawi-Tawi