MP Atty. Arnado Nagbigay ng Pondo para sa Medical Outreach Program sa South Upi Municipal Hospital
COTABATO CITY (Ika-14 ng Agosto, 2024) — Sa pangunguna ng Opisina ni Member of Parliament (MP) Atty. Mary Ann M. Arnado, matagumpay na naipamahagi ang tulong-pinansyal para sa South Upi Municipal Hospital bilang suporta sa Medical Outreach Program ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pondong ito na inilaan ng Bangsamoro government sa Ministry of Health (MOH) na dumaan sa tanggapan ni MP Atty. Arnado, ay nakatuon sa pagpapahusay ng mga pagsisikap ng tanggapan ni MP Atty. Arnado na naglalayong palakasin ang mga programa sa medikal sa Bangsamoro.
Kabilang sa mga serbisyong hatid ng programang ito ay ang pagsasagawa ng mga medical mission sa iba’t ibang komunidad, pakikipag-ugnayan sa mga ospital at botika upang magbigay ng mahahalagang gamot, mga kagamitang medikal, at mga assistive device. Ang mga ito ay karagdagang serbisyo sa mga regular na programa ng Ministry of Health.
Lubos ang pasasalamat ng tanggapan ni MP Atty. Arnado kay Chief Minister Ahod Ebrahim at sa Ministry of Health sa pamumuno ni MP Kadil M. Sinolinding, Jr. para sa kanilang walang sawang suporta upang matiyak na ang lahat ng mamamayang Bangsamoro ay magkaroon ng sapat at dekalidad na serbisyong pangkalusugan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)