Internal Audit Office, AMBaG PMO, Nagsagawa ng Pagbisita sa mga Ospital sa BARMM at AMBaG 173,785 natulungang pasyente
COTABATO CITY (Ika-14 ng Agosto, 2024) — Nagsagawa ng field audit at serye ng monitoring ang Internal Audit Office (IAO) at Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government (AMBaG) Program Management Office (PMO) sa mga partner ospital noong ika-12 ng Agosto.
Ang IAO team ay nagsagawa ng komprehensibong audit sa Buluan District Hospital sa Buluan, Maguindanao del Sur; Maguindanao Provincial Hospital sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur; at D.O.S. District Hospital sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa IAO, Layunin ng audit na suriin ang epektibong pagpapatupad ng AMBaG program sa paggamit at liquidation ng pondo, pati na rin ang sistema ng impormasyon at komunikasyon.
Kabilang sa proseso ng audit ay ang pagsasagawa ng in-depth interviews, focus group discussions, malalimang pagsusuri ng mga dokumento, at on-site observations at validations. Sa pamamagitan ng pagtukoy sa kalakasan, kahinaan, at potensyal na mga lugar para sa pagpapabuti, ang pagsasagawa ng audit na ito ay makakatulong sa pagpapahusay ng serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng AMBaG program.
Samantala, sa patuloy na hangarin ng AMBaG na maghatid ng tulong medikal, matagumpay nitong naabot ang 173,785 na pasyente mula Disyembre 2019 hanggang noong Hulyo ng taong kasalukuyan, sa loob at labas ng rehiyon.
Batay sa impormasyon ng tanggapan, sa mga natulungan, ang 74,065 ay kababaihan, 38,615 ay kalalakihan, at 61,105 ay kabataan na may edad 15 taon pababa. Kasama rin dito ang 1,431 na COVID-related cases, habang 138,552 pasyente naman ang natulungan na magkaroon ng zero balance sa kanilang hospital bill.
Dagdag sa ulat na umabot sa PhP843,648,178 ang pondong nailabas at nagamit ng AMBaG mula Disyembre 2019 hanggang noong Hulyo ng taong kasalukuyan.Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagbibigay-tulong medikal ng AMBaG para sa mga pasyenteng nangangailangan mula sa mga kasosyong ospital. (Hasna U. Bacol, Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)