Paglulunsad ng Transitional Justice Publication sa Davao City, gagawin ng ForumZFD
COTABATO CITY (Ika-13 ng Agosto, 2024) — Sa panayam kay Venus Betita, PM and E Adviser ng ForumZFD-Philippines sa 92.1 Voice FM ngayong araw ay ipinaliwanag nito na ang paglulunsad ng librong “Transitional Justice in the Bangsamoro: What’s Next?” bukas sa Davao City ay isang follow-up mula sa Transitional Justice Conference na ginanap noong Pebrero 2023. Ang nasabing conference ay dinaluhan ng mahigit 200 kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Civil Society Organizations, Academia, mga ahensya ng gobyerno, at international community, na tinalakay ang pag-usad ng Transitional Justice sa ilalim ng annex on normalization.
Ang layunin ng publikasyon na ito ay upang magbigay ng mahalagang impormasyon at gabay sa mga practitioner ng Transitional Justice. Ang libro ay naglalaman ng iba’t ibang artikulo at mensahe mula sa mga pangunahing stakeholders. Kabilang dito ang artikulo ni Carlos Manlupig na tumatalakay sa Manili Massacre, artikulo ni Yasmira Moner mula sa MSU IIT na sumuri sa progreso ng mga resolusyon ng TJRC, at artikulo ni Atty. Cecilia Jimenez-Damary na naglalarawan sa mga isyu sa reparation para sa Transitional Justice.
Mayroon ding mga artikulo mula kay Bai Shaima Baraguir tungkol sa mga hamon sa BARMM, Abel Moya, Elnathan Ermac tungkol sa kanilang pagsisikap sa Lanao del Sur, at Kriselle Aquino na naglalahad ng karanasan ng Bangsamoro Human Rights Commission o BHRC sa accountability sa Transitional Justice.
Ayon kay Betita, mahalaga ang librong ito para mapalakas ang sistema ng Transitional Justice sa Bangsamoro, at mas mapabuti ang pagkakaroon ng sistematikong proseso at mas inclusive na approach.
“Gusto ko pong sabihin na yung publication ay sana makabigay ng makabuluhang info at gabay sa lahat ng mga nag iimplementa or mga practitioners ng Transitional Justice sa pamamagitan nung mga artikulo na naging lalamanin ng ating publication, at gusto ko ding ipaabot na alam naman ng lahat na ang Transitional Justice ay hindi lamang isang oportunidad upang para sa paghilom ng mga sugat sa mga biktima ng karahasan…,” pahayag ni Betita.
“Isa din itong paraan upang ma address ang mga isyung naging ugat ng mga hidwaan at sana lahat ng mga Civil Society Organization ay magtipuntipon at come together para makabuo ng mas comprehensive at mas inclusive at mas contextualize na Transitional Justice on Reconciliation,” anya pa.
Dagdag pa nito, “Kailangan po na mag magtipuntipon at magusap-usap at hindi po tayo dapat magkakawatak-watak or magkakaibang effort kundi ang gagawin po ay tayo po ay mag collaborate para po mas epektibo ang resulta ng ating mga implementasyon na related sa Transitional Justice, so maraming salamat po sa pagkakataon na kami ay maka share doon sa mga insight about sa activity po bukas.”
Ang mga kinatawan mula sa OPAPRU at iba pang sektor ay inaasahang makikibahagi sa mga talakayan upang mas mapalalim ang pag-unawa at implementasyon ng Transitional Justice sa rehiyon. Ang libro ay inaasahang magiging mahalagang hakbang sa pagtulong sa mga biktima ng karahasan at pag-aaddress sa mga ugat ng hidwaan sa Bangsamoro. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)