Bangsamoro Scholars, Pinarangalan sa Mass Graduation Ceremony ng BSPTVET
COTABATO CITY (Ika-3 ng Agusto, 2024) — Pinangunahan ng MBHTE-TESD RLSI-Zamboanga City Liaison Office ang isang matagumpay na mass graduation ceremony mula ika-26 hanggang ika-31 ng Hulyo, 2024, bilang pagbibigay-pugay sa mga nagsipagtapos ng iba’t ibang kurso sa ilalim ng Bangsamoro Scholarship Program for Free TVET (BSPTVET).
Ipinakita sa programa ang bunga ng pagsusumikap ng mga trainees, kabilang ang 25 trainees sa Bahasa Malayu (BBMC) noong ika-26 ng Hulyo, 50 trainees sa Spanish Language (BSLDV) noong ika-31 ng Hulyo, 50 trainees sa Arabic Language (ALC) noong ika-31 ng Hulyo, at 25 trainees sa English Language (ELC) noong ika-31 ng Hulyo.
Nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Abdulhakim Sauti Jr., OIC-Head/Administrator, na binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon at patuloy na pagsasanay upang mapalawak ang mga oportunidad sa hanapbuhay para sa mga Bangsamoro, hindi lamang sa loob ng bansa kundi pati na rin sa ibang bansa.
Ang layunin ng mga training na ito ay hindi lamang upang palawakin ang kaalaman ng mga kalahok kundi upang bigyan sila ng kasanayan na magagamit nila sa pag-angat ng kanilang mga pamumuhay. Ang mga programa ay nagsisilbing daan tungo sa mas maliwanag at maunlad na kinabukasan para sa komunidad ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)