UBJP Nagpapahayag ng Pasasalamat sa mga Tausug sa Matagumpay na Provincial Assembly ng MILF Political Party

(Litrato mula sa UBJP Regional Headquarters)

COTABATO CITY (Ika-31 ng Hulyo, 2024) —Ipinahayag ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa isang pahayag ngayong araw ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa libu-libong Tausug na dumalo sa Sulu Provincial Chapter Assembly noong ika-28 ng Hulyo, 2024 na ginanap sa Notre Dame of Jolo College (NDJC), Jolo, Sulu. Ang kaganapang ito ay nagpakita ng malawakang partisipasyon mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, Ulama, mujahideen, mga guro, IPs, mga settler, estudyante, mangingisda, magsasaka, at mga vendor.

Sa kabila ng pahayag na ang Sulu ay nasa ilalim kapangyarihan o ito’y mahigpit na kontrolado ng ibang political party, ngunit ang UBJP ay matapang na nagtungo sa Sulu bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga Tausug sa Bangsamoro struggle at peace process. Binanggit ng UBJP ang malaking kontribusyon ng mga mujahideen ng Lupah Sug sa kanilang matagal nang laban para sa kalayaan at sariling pagpapasya.

Pinasasalamatan ng UBJP sina dating congressman Bensaudi O. Tulawie, dating Mayor Abdulwahid Sahidullah, at ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para sa kanilang suporta. Pinuri din ng UBJP ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga dumalo sa asembleya. Dagdag pa rito, pinasalamatan din nila si Fr. Eduardo M. Santuyo OMI at ang Notre Dame of Jolo College sa pagbibigay ng ligtas na lugar para sa kanilang pagtitipon.

Nagpahayag din ang UBJP ng taos-pusong pasasalamat sa Sulu Provincial Chapter at sa lahat ng committee members na nagtrabaho nang mabuti para maging matagumpay ang asembleya. Humingi rin ng paumanhin ang UBJP sa anumang abalang dulot ng napakalaking bilang ng mga dumalo at nanawagan ng pang-unawa sa mga mamamayan.

Tiniyak ng UBJP ang kanilang determinasyon na palawakin, pagkaisahin, at protektahan ang kanilang mga miyembro, pati na rin ang pagsuporta sa kanilang mga kandidato para sa darating na halalan. Binanggit ng UBJP na ang pagpapatuloy ng peace process at pagpapanatili ng mga institusyonal at pulitikal na reporma ay nakasalalay sa kanilang tagumpay.

Inihayag rin ng UBJP na ang Sulu Provincial Assembly ay simula pa lamang ng kanilang matibay na pakikipag-alyansa at pagkakaisa sa mga tao sa Sulu. Naniniwala sila na ang suporta ng mga Tausug, matitiyak ng UBJP ang kanilang tagumpay sa darating na unang parliamentary election sa 2025. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 161 Kabataang BARMM, Lumahok sa 2024 DOST-SEI Junior Level Science Scholarships Exam
Next post Pangulong Marcos Jr. Iniutos ang Pagmamadali ng mga Hakbang para sa Awtonomiya ng BARMM