Pagsasanay sa Halal Certification, Dinaluhan ng Mahigit Dalawampung Magsasaka sa Cotabato City
COTABATO CITY (Ika-30 ng Hulyo, 2024) — Mahigit dalawampung magsasaka mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang sumailalim sa Halal Philippine National Standard (PNS) training. Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa Halal certification ng mga produktong agri-fishery upang matiyak ang kaligtasan at pagtitiwala ng mga mamimili at ito ay ginanap sa Cren Cuisine, Gov. Gutierrez Avenue, Cotabato City noong ika-25 ng Hulyo.
Binigyang-diin ni Disumimba Rasheed, Assistant to the Provincial Director for SGA and Cotabato City, ang kahalagahan ng pagsasanay na ito para sa mga magsasaka. “Makakatulong sa inyo ang aktibidad upang masigurado natin na 100% talaga na Halal ang ating kinakain kasama ang ating pamilya at ng buong Bangsamoro,” ani Rasheed.
Tiniyak din ni APD Rasheed na ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ay magpapatupad ng mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda.
Pinangunahan ni Norodin Kuit, DVM, Deputy Executive Director at Halal lead ng Muslim Mindanao Halal Certification Board Inc. (MMHCBI), ang pagsasanay. Ang programa ay isang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng Halal industry sa rehiyon, na magbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga lokal na magsasaka at mangingisda. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)