MOST Nagsagawa ng Project Assessment sa mga Benepisyaryo ng Paaralan sa Cotabato City
COTABATO CITY (Ika-29 ng Hulyo,2024) — Nagsagawa ang Ministry of Science and Technology (MOST) ng malawakang project assessment noong ika-23 at 24 ng Hulyo, 2024, upang suriin ang pagpapatupad at paggamit ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated KioskS (STARBOOKS) at mga kagamitang pang-agham sa mga piling paaralan sa Lungsod ng Cotabato.
Ang pagsusuri, na isinagawa ng Science Education Section ng MOST, ay sumaklaw sa 5,031 benepisyaryo, na binubuo ng 3,354 kababaihan at 1,677 kalalakihan.
Sinabi ng MOST na layunin ng inisyatibong ito na subaybayan ang impact ng mga kagamitang ito para sa agham at teknolohiya sa mga magiging karanasan sa edukasyon ng mga mag-aaral.
Batay sa ulat ng MOST, nagpakita ng magagandang resulta ang pagsusuri, kung saan karamihan sa mga kagamitang pang-laboratoryo ay nagamit ng epektibo. Ayon sa mga guro at kawani ng paaralan na ang kagamitan tulad ng mga modelo ng cell development at human body ay malaki ang naitulong upang madagdagan ang interes ng mga estudyante sa agham sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga aktuwal na karanasan sa pag-aaral.
Gayunpaman, may tatlong paaralan pa ang hindi nagagamit ang kanilang mga STARBOOKS units dahil sa huling pagdating ng mga ito noong nakaraang taon.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo dahil sa mga inisyatiba ng MOST at umaasa na patuloy pang susuportahan ang mga paaralan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)