UNFPA at MOSEP, Naghatid ng Dignity Kit sa mga Biktima ng Baha-Landslide sa Maguindanao del Norte at Lanao del Sur

(Litrato mula sa UNFPA Philippines)

COTABATO CITY (Ika-25 ng Hulyo, 2024) — Matagumpay na ipinamahagi ng United Nations Population Fund (UNFPA), kasama ang Mindanao Organization for Social and Economic Progress (MOSEP), sa mga pamilyang apektado ng baha at landslide sa Maguindanao del Norte at Lanao del Sur.

Mahigit 300 dignity kit ang kanilang ibinahagi para makatulong sa mga naapektuhang pamilya.

Ang nasabing dignity kit, ay para sa hygiene at kalusugan ng mga kababaihan at batang babae, lalo na sa mga bakwit o naapektuhan ng krisis.

Ayon pa UNFPA Philippines, ito ay mahalagang hakbang upang magbigay ng kaginhawaan at suporta sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. Sa pamamagitan ng kagamitang ito ay natulungan ang mga buntis, nagpapasuso na mga ina, sanggol, at iba pang mga vulnerable na indibidwal.

Kabilang din sa naging katuwang ng UNFPA ang 60 katao mula sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC) na naghatid ng 173 dignity kit at nag-alok ng mahahalagang serbisyong medikal tulad ng pediatrics, obstetrics at gynecology, minor surgeries, at psychosocial support sa mga residente ng Kapatagan, Lanao del Sur.

Samantala, isinagawa naman ng Rural Health Unit (RHU) ng Matanog, Maguindanao del Norte ang pamimigay ng 143 dignity kits kasabay ang isang health information session nito.

Ayon sa impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, ang pagsasama-sama ng UNFPA at MOSEP ay nagpapakita ng dedikasyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga naapektuhang komunidad at sa pagtulong sa kanilang pagbangon mula sa mga sakuna sa Mindanao. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Estudyante sa Sulu masaya dahil sa Project IQBAL
Next post MP Arnado, MILG-BARMM namigay ng ayuda sa “SGA flood, drought victims”