Province of Maguindanao del Norte, OPAPRU, Nagsagawa ng Workshop para sa Pagsulong ng Normalization Program
COTABATO CITY (Ika-9 ng Hulyo, 2024) — Nagsagawa ang Province of Maguindanao del Norte, kasama ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ng “Localizing Normalization Implementation (LNI) Maguindanao del Norte Planning Workshop” na ginanap noong ika-3 ng Hulyo, sa Mall of Alnor, Cotabato City.
Layunin ng workshop na suportahan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pamamagitan ng reintegration ng mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatants sa lipunan.
Sa nasabing workshop, nahati ang mga kalahok sa limang grupo na tumutok sa iba’t ibang aspeto ng programa tulad ng Conceptualization of Arm to Farm Program, Socioeconomic, Security, Amnesty, at Transitional Justice and Reconciliation. Layunin ng bawat grupo na bumuo ng mga plano at istruktura na makakatulong sa epektibong pagpapatupad ng Normalization Program sa probinsya.
Ang workshop na ito ay alinsunod sa mithiin ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua para sa kaunlaran at kapayapaan ng lalawigan, na dinaluhan ng mga kilalang personalidad tulad nina Brig. Gen. Nasser Lidasan, Assistant Division Commander 6ID Maj. Gen. Alex S. Rillera, at Provincial Administrator Tomanda D. Antok, PhD. Dumalo rin ang mga opisyal mula sa pamahalaang panlalawigan, OPPAPRU, LNI, 6th Infantry (Kampilan) Division, Civil Society Organizations (CSO), at Maguindanao del Norte Police Provincial Office.
Sa pagtatapos ng workshop, nagkaroon ng malinaw at sistematikong plano ang bawat grupo para sa pagpapatupad ng Normalization Program, na layong magbigay ng panibagong pag-asa at pagkakataon para sa mga dating MILF combatants na maging produktibo at matatag na mamamayan ng Maguindanao del Norte. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)