UBJP President Ebrahim Nanawagan ng Pagkakaisa, Moral Governance

Litrato L-R: UBJP Maguindanao del Norte Executive Prof. Abdullah Adam, UBJP Vice President for Central Mindanao Mohagher Iqbal, UBJP President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim, UBJP Secretary General Abdulraof “Gob Sam” Macacua, Vice President for Tradional Leaders Datu Midpantao Midtimbang. (Litrato ni Hassanudin Singgon, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-25 ng Hunyo, 2024) — Libu-libong Bangsamoro ang nagtipon sa Mindanao State University-Maguindanao Grounds upang magbigay ng mainit na pagsuporta sa isinagawang UBJP Central Mindanao General Assembly nitong Sabado, June 22 na pinangungunahan ni BARMM Chief Minister at UBJP President Ahod “Alhaj  Murad” Ebrahim. Tinatayang higit sa 160,000 katao ang dumalo sa nasabing pagtitipon, kung saan ito ang isa sa pinakamalaking assembly na nangyari sa lahat ng mga pagtitipon ng political party sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Ngayong araw, tayo ay nagtipon-tipon upang pagnilayan at pag-usapan ang ating mga layunin, na patuloy na nagbibigay-buhay sa ating paninindigan. Nais nating ipakita kung paano natin maisasakatuparan ang ating mga layunin at adhikain sa sarili nating paraan,” pahayag pa ni Ebrahim.

Inilahad ni Chief Minister Ebrahim ang mga sakripisyong pinagdaanan ng Bangsamoro mula pa noong panahon ng mga massacre. “Bakit tayo nagsasakripisyo, kung titingnan natin, malaki ang sakripisyo natin, simula sa generation namin ang pagsakripisyo natin noong araw ng mga massacre,” ani Ebrahim. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at patuloy na pagsisikap para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.

“Ang pagtitipon na ito ay bahagi ng ating patuloy na jihad, sapagkat naniniwala tayo na kung hindi tayo kikilos at lalaban, dalawa lamang ang maaaring mangyari sa atin: tayo ay mawawala o magiging sunod-sunuran tayo sa mga nais magdikta at sumakop sa atin. Sa ganitong paraan, tayo ay magpapatuloy sa ating laban upang mapanatili ang ating kalayaan at dignidad,” pagbibigay diin ni Ebrahim.

Pinuri ni Ebrahim ang mga tagumpay na nakamit ng Bangsamoro sa ilalim ng Interim Bangsamoro Government sa loob ng apat na taon. Ayon sa kanya, kinilala ng International Community ang mga accomplishments ng kanilang pamamahala sa gobyerno sa transition period. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng moral governance at ang pagsunod sa mga prinsipyo ng Islam.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni Chief Minister Ebrahim ang lahat ng Bangsamoro na magkaisa para sa nalalapit na 2025 BARMM election. “Mga ka-Bangsamoro, magkaisa tayo para sa ating mahal na Bangsamoro Homeland, sa gabay ng Allah Subhanallahu taAllah at sa tulong ninyong lahat ay tiyak na tayo ay nasa tamang landas tungo sa isang mas mapayapa, mas masagana, at mas magandang buhay para sa Bangsamoro.”

Inihayag din niya ang kanyang pasasalamat sa matibay na suporta ng mga taga-Maguindanao del Norte at del Sur, na naging pangunahing lugar kung saan naipanalo ang “YES” noong plebisito. “Ang UBJP bilang isang genuine and principled political party ay patuloy na magsisikap upang ipanalo ang inyong mga pangarap sa pamamagitan ng programa ng ating gobyerno na naka-angkla sa moral governance,” dagdag ni Chief Minister Ebrahim.

Bangsamoro mula sa lalawigan ng Maguindanao del Norte at del Sur na makikitang nasa dalawang tent nakisilong sa MSU-Maguindanao Grounds. (Litrato ni Hassanudin Singgon, BMN/BangsamoroToday)

Sa mga susunod na araw, inaasahan ang mga anunsyo ng mga bagong kandidato na handang lumaban sa prinsipyo ng UBJP. “Tatabanga tanu Inshaallah, mamikal tanu enggu kapetan tanu su tali nu partido a UBJP (magtulungan tayo, God willing, magsikap tayo at hawakan natin ang lubid ng ating partido), yan ang ating panghahawakan at tayo ay mag succeed sa ating layunin,” ayon kay Chief Minister Ebrahim.

Sa kanyang huling mensahe, sinabi din nito na sa kabila ng lahat ng hamon, nananatiling matatag ang Bangsamoro sa layunin na makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon, sa tulong ng gobyerno at ang patuloy na pagkakaisa. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post UBJP Vice President Iqbal: Plataporma ng UBJP ay ang Moral Governance, People’s Empowerment, at Kapayapaan para sa BARMM
Next post MPW itinurn-over ang Multi-Purpose Building sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte