MPW itinurn-over ang Multi-Purpose Building sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte
COTABATO CITY (Ika-25 ng Hunyo, 2024) — Pormal ng itinurn-over ng Ministry of Public Works (MPW) ng BARMM ang isang Multi-Purpose Building na kilala bilang Bulwagan ng Kapayapaan Museo sa headquarters ng 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID) sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte nitong ika-21 ng Hunyo.
Sa seremonya ng turn-over ipinaabot ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng JTFC at 6ID Kampilan, ang kanyang pasasalamat para sa proyekto at binigyan-diin niya ang mahalagang papel sa pagpapalakas at pakikipag-ugnayan para sa Kapayapaan at maging sa kaunlaran kasama ang pamahalaan sa BARMM.
“Ang Museo ay higit pa sa koleksyon ng mga artepakto. Ito’y nagkukuwento ng katapangan, katatagan, at walang humpay na pagsusumikap para sa isang mapayapang hinaharap. Ipinapakita nito ang tapang ng mga sundalo, ang sakit ng pagkawala, at ang patuloy na pag-asa ng mga komunidad na naghahangad ng kapayapaan,” ani MGEN. Rillera.
Pinondohan sa ilalim ng FY 2022 Transitional Development Impact Fund (TDIF) ng Member of Parliament, BTA MP Susana S. Anayatin, ang proyekto.
“Ang museo na ito ay nagsisilbing gabay para sa ating mga kabataan, mga mag-aaral, at mga estudyante, na nagpapakita na ang kapayapaan ay makakamtan at ang kaguluhan ay dapat magwakas. Ang ating mga sundalo ay may mahalagang papel sa pagbuo ng kapayapaan sa ating komunidad,” pahayag ni MP Anayatin.
Samantala ang ribbon-cutting ng seremonya na dinaluhan ng mga opisyal mula sa MPW-BARMM na pinangunahan ni Engr. Danilo A. Ong ang MPW Officer-in-Charge, at District Engineer Avila D. Abobakar ng Maguindanao del Norte (MDN) DEO, at ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army, at naging marka sa mahalagang yugto ng inauguration ng proyekto.
Ipinahayag ni Engr. Danilo A. Ong, MPW-OIC ang kanyang pasasalamat sa pagkakataon na makapag-bigay ng makasaysayang okasyon at kinilala ang kanyang suporta sa pagsasakatuparan ng proyekto “Ang museo na ito ay isang patunay sa matagal na pakikibaka na umabot ng mga dekada, kung saan ang mga rebolusyonaryo at ang sandatahang lakas ng Pilipinas ay nanindigan sa kanilang mga prinsipyo at paniniwala,” aniya.
“Ang istrukturang ito ay sumasagisag sa ating pinagsasaluhang mithiin para sa kapayapaan, pagkakaisa, progreso, at kaunlaran,” wika ni OIC Ong. Ipinahayag din ng MPW BARMM ang pasasalamat sa Maguindanao del Norte District Engineering Office, sa ilalim ng pamumuno ni DE Abobakar, para sa kanilang dedikasyon sa pagtitiyak ng matagumpay na makumpleto ang proyekto at paghahatid ng mataas na kalidad na serbisyo na nag-aambag sa pagpapabuti ng lipunan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)