Gob Macacua, UNDP nilagdaan ang MOU para sa SHIELD Program sa Rehiyon ng Bangsamoro
COTABATO CITY (Ika-19 ng Hunyo, 2024) — Nilagdaan ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua ng Maguindanao del Norte at ni Dr. Selva Rachamandran, Resident Representative ng United Nations Development Programme (UNDP), ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa Strengthening of Institutions and Empowering Localities Against Disasters and Climate Change (SHIELD) Program, ito ay ginanap kahapon, araw ng Martes, ika-18 ng Hunyo sa Lungsod.
Ang isinagawang paglagda ay para higit pang palakasin ang kahandaan ng nasabing probinsya sa anumang mga sakuna. Sa pahayag ni Gobernador Macacua ay matibay ang kanyang paniniwala na ang pakikipagtulungan ng dalawang partido ay magdudulot ng makabuluhang progreso, at gawing mas ligtas at mas matatag ang Iranun Corridor—lalo na ang Parang, Matanog, Buldon, Barira, at Sultan Mastura.
Ito ang mga napiling pilot site para sa pagpapatupad ng ecosystem-based intervention strategy ng SHIELD sa rehiyon ng Bangsamoro.
Layunin ng SHIELD Program na gawing mas ligtas at mas matatag ang lahat ng tao sa nasabing target na komunidad laban sa mga epekto ng natural na kalamidad at pagbabago ng klima.
Kasama sa mga dumalo sa paglagda ng MOU sina MILG Deputy Minister Ibrahim Ibay, PDRRM Officer Nashrullah Imam, mga kinatawan ng UNDP, at iba pang kasama sa programa. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)