Alhaj Murad Ebrahim: Optimistiko na karamihan sa mananalong kandidato sa gaganaping Unang Parliamentary Election ng BARMM sa 2025 ay mula sa UBJP

(Litrato mula sa Bruce “BM” Matabalao)

COTABATO CITY (Ika-17 ng Hunyo) — Sa nagdaang mga araw, naglibot si Chief Minister at UBJP President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasama ang opisyales ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) upang kumustahin ang mga miyembro sa Tawi-Tawi, Basilan, Lanao del Sur, Marawi City at mga kalapit na lugar. Layunin ng mga pagtitipong ito na pakinggan ang mga saloobin ng bawat isa at talakayin ang mga hakbang para sa patuloy na pagbabago sa Bangsamoro.

Sa darating na 2025, gaganapin ang kauna-unahang parliamentary election sa BARMM, isang mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng rehiyon. “Ang susunod na halalan ay magiging isang malaking hamon sa atin. Ito ang kauna-unahang parliamentary election sa ating rehiyon,” ani Chief Minister.

Mahalagang maunawaan ng mga botante na sa ilalim ng parliamentary system, dalawa ang kanilang bobotohan: ang mga kandidato para sa parliamentary district at ang mga political party. “Kailangan nating matiyak na karamihan sa mga mananalo sa mga distrito ay mga kandidato ng UBJP,” dagdag ni Chief Minister.

Inilahad din ng Chief Minister na kung makakakuha ng 41 o higit pang mga kinatawan ang UBJP, sila ang pipili ng Chief Minister na mamumuno sa gobyerno at mag-aappoint ng mga ministro. “Napakahalaga ng papel ng partido sa pamahalaan,” ayon sa kanya.

Sa nagdaang tatlong taon, nakapasa ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ng mga mahahalagang batas tulad ng Bangsamoro Electoral Code, Bangsamoro Local Government Code, at mga batas na lumikha ng walong bagong munisipalidad mula sa 63 barangay. Sa kabuuan, nakapasa ang BTA ng 58 batas at 444 resolusyon. “Ito ang ilan sa mga major accomplishments ng BARMM,” ayon kay Chief Minister.

UBJP President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim. (Litrato mula sa UBJP Regional Headquarters)

“Inshallah, sa tulong ng ating mga kapartido, makakamit natin ang majority sa parliament,” wika ni Chief Minister, na nagbigay diin sa kahalagahan ng pagpapatuloy ng serbisyo para sa tagumpay ng rehiyon.

Patuloy na nangunguna ang BARMM Transition Authority sa pagbibigay ng social services, edukasyon, pagpapanatili sa katatagan ng ekonomiya, seguridad, kapayapaan at patuloy na pakikipag-usap sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno sa pagpapatupad ng napagkasunduan bilang isa sa pangunahing prayoridad sa rehiyon, isang indikasyon ng dedikasyon ng ‘Government of the Day’ sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post UBJP sa Cotabato City, Patuloy sa Paglakas – Mayor “Bruce” Matabalao
Next post MSSD-BARMM Nagturn-Over ng ₱480K Subsidy sa Orphanage Center ng Matanog, MDN