UBJP Nagpulong bilang paghahanda sa 2025 Parliamentary Elections
COTABATO CITY (Ika-15 ng Hunyo, 2024) – Pinangunahan ni UBJP President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim ang pagpupulong ng party officials ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) mula ika-12 hanggang ika-13 ng Hunyo at inilatag ang progresibong plano at masusing konsultasyon bilang paghahanda ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) political party sa nalalapit na 2025 Parliamentary Elections sa BARMM.
Ayon sa nakalap na impormasyong ng BMN/BangsamoroToday, sinabi ng UBJP sa pamamagitan ng UBJP Regional Headquarters post sa social media na lalahok ang UBJP bilang isang Regional Political Party sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa bansa.
Dagdag sa ulat na naging produktibo at makabuluhan ang nasabing pagpupulong dahil sa “aktibong pagpapalitan ng ideya at diskusyon ng mga party officials dala-dala ang kanilang mabuting adhikain para sa Bangsamoro.”
Dumalo rin sa pagpupulong sina Party Vice President at Vice President for Central Mindanao Mohagher Iqbal, UBJP Secretary General Abdulraof Macacua, at iba pang Party Vice Presidents, mga Committee Chairperson, Provincial Executive Officers ng UBJP mula sa iba’t ibang lalawigan at mga miyembro ng MILF Central Committee.
Samantala, nakatakda sanang isagawa ang asembleya ng UBJP Cotabato City ngayong araw ng Sabado, bagamat dahil sa naitaon ito sa araw ng Arafah — ang ika-9 sa buwan ng Hajj na lubos na napakahalaga sa mga Muslim sapagkat dito ipinahayag ng Allah ang isang ‘ayah’ ang Surah al Maa’idah 5:3. Sa araw na ito ay nag-aayuno o ‘fasting’ ang mga Muslim. Dito nagtitipon ang mga peregrino sa kapatagan ng bundok ng Arafah, at taimtim na nagdarasal sa Allah. Kabilang din sa dahilan ng UBJP sa paglipat sa araw ng ‘mass gathering’ ay ang araw naman ng Linggo ay ang Eid’l Adha.
Ayon sa karagdagang impormasyon mula sa UBJP Regional Headquarter ay gagawin ang pagtitipon ng UBJP Cotabato City sa araw ng Lunes, ika-17 ng Hunyo sa Oval ng Cotabato State University (CSU) dito sa Lungsod ng Cotabato simula alas-otso (8AM) ng umaga. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)