MSSD-BARMM namahagi ng Emergency Go Bags sa 170 Responder sa Sulu
COTABATO CITY (Ika-13 ng Hunyo, 2024) – Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng Sulu Logistics Office ay namahagi ng 170 Emergency Go Bags sa mga community disaster responders at lokal na opisyal sa bayan ng Omar at Luuk sa Sulu, BARMM noong ika-6 at 9 ng Hunyo, 2024.
Sa bayan ng Luuk, 101 Emergency Go Bags ang ipinamahagi, kung saan ang 72 ay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), labing-dalawa (12) sa mga community disaster responder, labing-dalawa (12) sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO), at lima(5) naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Samantala, sa bayan ng Omar, 48 Emergency Go Bags ang ibinigay, kung saan nakatuon ito sa mga mahihirap na pamilyang nakatira sa baybayin. Kasama rito ang walong (8) bag para sa community disaster responders, walo (8) para sa BDRRMO, at lima (5) naman para sa MDRRMO.
Ayon sa MSSD, ang bawat Emergency Go Bag ay naglalaman ng mahahalagang kagamitan upang suportahan ang pagtugon sa kagipitan, kabilang ang solar lamp, radyo, pito, lubid, collapsible water container, file bag, first aid kit, at iba’t ibang medikal na suplay gaya ng gauze, benda, antiseptic wipes, at thermometer. Kabilang din sa mga mahalagang item ang manual resuscitator, CPR kit, tactical medical tourniquet, rubber boots, at raincoats.
Kasabay nito, ang BFP sa Luuk at MDRRMO sa Omar ay nagsagawa ng mga sesyon ng pagsasanay upang turuan ang mga tumanggap kung paano gamitin ang mga kagamitan nang maayos.
Ang nasabing pamamahagi ay bahagi ng Ligtas Pamilya Project ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng MSSD. Layunin ng proyektong ito na mapabuti ang kahandaan at katatagan ng komunidad sa sakuna sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kinakailangang kagamitan at kaalaman. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)