MSSD-BARMM namahagi ng Tulong sa Pamilyang Apektado ng Sunog sa Lungsod ng Cotabato
COTABATO CITY (Ika-12 ng Hunyo, 2024) — Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay namahagi ng tulong sa ilalim ng Emergency Shelter Assistance (ESA) program sa dalawampu’t-tatlong (23) pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Tamontaka, sa lungsod na ito, noong Ika-10 ng Hunyo, 2024.
Ang mga food packs ay naglalaman ng 25 kilong bigas, iba’t ibang de-lata, at kape.
Samantala, ang mga non-food items ay binubuo ng tatlong (3) kit, una, ang sleeping kit na naglalaman ng limang piraso ng malong, isang plastic mat, isang kulambo, at isang rolyo ng twine straw; pangalawa, ang cooking kit na may isang plastic na balde na may palanggana, isang lalagyan ng mineral na tubig, apat na plato, isang kaldero, isang sandok, dalawang serving ladle, apat na tasa, at isang kawali.
Pangatlo, ang dignity and protection kit na naglalaman ng tatlong pakete ng sanitary pads, labing-dalawang piraso ng underwear para sa mga babae at lalaki, dalawang pito, at isang portable na solar lamp.
Ang ESA program ng MSSD ay isang programa na naglalayong magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang apektado ng mga krisis at emerhensiya. Layunin ng programang ito na matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan o naapektuhan ng mga kalamidad, tulad ng sunog, baha, lindol, at iba pang mga sakuna, upang mabilis silang makabangon at makapagpatuloy ng kanilang pamumuhay.
Ayon sa MSSD Facebook page, ang nasabing sunog ay naganap bandang 6:30 ng umaga noong ika-8 ng Hunyo, 2024. Batay sa pahayag ng mga nakaligtas, nagsimula ang sunog mula sa short circuit ng kuryente na nagdulot ng pagsabog ng isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG). Sa kasalukuyan, nananatili sila sa kanilang mga kamag-anak habang inaayos ang kanilang mga bahay.
Ayon naman sa Emergency Preparedness and Response Officer ng MSSD na si Sittie Inshirah Abdul, pitong bahay ang tuluyang nasira habang labing-anim na bahay naman ay bahagyang nasira. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)