MSSD Naghatid ng Housing Units at Unconditional Cash Transfer sa mga Katutubo ng Maguindanao del Sur
COTABATO CITY (Ika-24 ng Mayo, 2024) — Sa patuloy na pagpapalakas ng serbisyo ng Ministry of Social Services and Development (MSDD) BARMM, ay ipinagkaloob ang Bahay Program,
sa mga pamilyang walang tahanan sa Brgy. Salman, Ampatuan. Ang mga beneficiaries ay mula sa mga katutubong sektor at mga naapektuhan ng hidwaan, na matagal nang nagsisiksikan sa mga kamag-anak na nabigyan ng 74 housing units.
“Sa 20 taon naming pagiging walang bahay, nakatira kami kasama ang aming mga kamag-anak. Alhamdulillah, may sarili na kaming bahay ngayon. Maraming salamat sa Pamahalaang Bangsamoro,” ani Alim.
Ang proyektong ito ay naglalayong bigyan ng permanente at maayos na tahanan ang mga pamilyang apektado ng paulit-ulit na paglipat dahil sa armadong tunggalian. Binigyang-diin ni MSSD BARMM Minister Raissa H. Jajurie na ang proyektong ito ay bahagi ng pangmatagalang solusyon para sa mga pamilya na naapektuhan ng mga kalamidad at hidwaan.
“Ang proyektong pabahay ng Pamahalaang Bangsamoro ay para sa mga pamilyang naapektuhan ng paulit-ulit na paglipat. Habang sinusubukan nating solusyunan ang mga alalahanin sa seguridad sa tulong ng aktibong pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, kailangan din nating tutukan ang kapakanan ng mga na-internally displaced dahil sa armadong tunggalian,” pahayag ni Minister Jajurie.
“Sa tulong ng iba’t-ibang stakeholders, nais naming bigyan sila hindi lamang ng bahay kundi pati na rin ng isang komunidad na may kakayahan na umunlad nang independiyente.
Makikipagtulungan kami sa LGU, mga ahensya ng pamahalaan, at iba pang mga kasosyo para sa pagpapatayo ng kuryente at tubig, pagtatayo ng sentro para sa pag-unlad ng mga bata, konstruksyon ng mga daan patungo sa lugar, at pagbibigay ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga pamilya upang maging tirahan ang lugar,” dagdag pa ni Minister Jajurie.
Kasabay nito, naghatid din ang MSDD ng Unconditional Cash Transfer (UCT) sa 1,831 na mahihirap na senior citizen sa mga bayan ng Datu Montawal at Mangudadatu mula April 23 to May 14,2024. Layunin ng programa na magbigay ng suporta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga nakatatanda, lalo na sa panahon ng krisis.
Ang mga cash card na ito ay naglalayong magbigay ng dagdag na tulong pinansyal upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan sa pangkalusugan at pang-araw-araw na gastusin. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)