Tanggapan ng UBJP Vice-President Iqbal sa Lungsod ng Cotabato, binuksan sa publiko
COTABATO CITY (Abril 29, 2024) — Isang napakahalagang pagdiriwang ang naganap sa Brgy. Rosary Heights 7, Covered Court sa Cotabato City, BARMM nitong Linggo, ang pagbubukas ng tanggapan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Vice-President for Central Mindanao para sa publiko. Itinampok ng kaganapan ang mga makabuluhang talumpati at muling pagpapatibay ng pangako ng partido bilang “The Party That We Can Trust”, (Ang Partido na Mapagkakatiwalaan Namin.)
Ang programa ay nagsimula sa isang pagbigkas mula sa Qur’an, na pinangunahan ni Al-Hafidh Muzaher S. Bito na nanalo bilang ikatlong pwesto sa ginanap na Dubai International Holy Qur’an Contest, na sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang—ang pambansang awit ng Pilipinas at ang BARMM Hymn.
Kasunod nito, si UBJP Vice-President Mohagher M. Iqbal, ay nagpaabot ng pagbati sa mga lumahok sa programa at ipinakilala ang UBJP bilang pangunahing partidong pampulitika sa rehiyon na nagtataguyod ng pagkakaisa, katatagan, at pag-asa sa gitna ng mga paghihirap na kinakaharap ng bawat isa.
Isang Islamic Orientation, sa pangunguna ni Bangsamoro Mufti Sheikh Abdulrauf A. Guialani sa pamamagitan ng kanyang representate, na nagpapaliwanag sa mga layunin ng UBJP para sa kapakanan ng Bangsamoro at binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa sa lahat ng aspeto ng buhay.
Samantala, si Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ay nagpahayag ng pasasalamat sa UBJP sa kanilang napakahalagang suporta sa kanyang liderato bilang Alkalde ng Cotabato City. Binigyang-diin niya ang pangako ng UBJP na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad sa lungsod at sa buong rehiyon. Si Mayor Bruce o kilala din bilang “Mayor para sa Lahat” ay muling binanggit na hinding-hindi s’ya aalis sa UBJP.
Binalangkas naman ni Iqbal bilang Pangalawang Pangulo ng UBJP ang kanilang mga adhikain at layunin para sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga kababaihan, mga settler, mga katutubo, tradisyonal na pinuno, at kabataan. Ang bawat isa ay nagpahayag ng kanilang suporta para sa patuloy na pag-unlad at pagpapalakas ng Bangsamoro.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni UBJP Party President Ahod “Alhaj Murad” B. Ebrahim ang pakikipagtulungan ng partido sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), sa pangunguna ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. Ang alyansang ito ay nagpapakita ng pangako katulad ng UBJP sa pagkakaisa at pagtutulungan para sa kapakanan ng bansa.
Sa kabuuan, ang inagurasyon ng UBJP Vice-President Office for Central Mindanao ay naging inspirasyon at pag-asa sa mga residente ng Cotabato City at sa buong rehiyon. Ipinakikita nito ang determinasyon ng UBJP na bigyang daan ang mas maunlad, makatarungan, at mapayapang kinabukasan para sa lahat ng mamamayang Bangsamoro. (Hasna U. Bucol, BMN/BangsamoroToday)