Ground breaking ng road concreting, solar lights installation isinagawa ng ‘MDN Province’ sa Talitay
COTABATO CITY (Ika-3 ng Enero, 2024) — Matagumpay na naisagawa ng Provincial Engineering Office ng Maguindanao Del Norte (MDN) ang Groundbreaking Ceremony ng concreting ng 400 meters road at installation ng solar lights sa Barangay Kuden, Talitay nitong umaga ng Miyerkules.
Ang road concreting at paglalagay ng solar lights sa daan ay mula sa pondo ng administrasyon ng lalawigan na layuning mas mapaganda at mapabilis pa ang paghahatid ng mga serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng maayos na daanan.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya ay sina Provincial Administrator Dr Tomanda Antok, Engineer Datuherie Pagayao, Engr. Khomeini Tipas at Engr. Jayson Alfonso, mga kawani ng Provincial Planning and Development Committee.
Nandoon din ang mga kinatawan mula sa ibat’ -ibang tanggapan ng lalawigan at ang Talitay Municipal Vice Mayor Fahad Midtimbang ay sinaksihan ang programa.
Matatandaan na, nitong nakaraang linggo ay may kahalintulad din na programa ang isinagawa ng Provincial Engineering Office sa Mother Kabuntalan. Sa balitang nakalap ng BMN/BangsamoroToday, ay magpapatuloy pa rin ang iba pang programa ng MDN sa lalawigan katulad ng road clearing operation.
Ang lalawigan ng Maguindanao Del Norte ay pinamumunuan ngayon ng dating BARMM Senior Minister Abdulraof A. Macacua matapos syang ma appoint ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang gobernador. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday kasama ang ulat ni Julhamir Dimapalao, DXJC Voice Fm Cotabato)