LBO Dialogue sa Leaders ng SGA-BARMM, naging daan sa pagbuo ng programa sa munisipyo ng Pahamodin
PIKIT, COTABATO (Ika-26 ng Disyembre, 2023) — Sa tulong ng Office of Member of the Parliament Mohammad Kellie U. Antao, ay matagumpay na naisagawa ng Unite for Peace Movement (UPM), isang organ ng League of Bangsamoro Organizations (LBO) ang Dialogue for Unity and Peace para sa mga pinuno ng komunidad mula sa labindalawa (12) mga barangay ng bagong likhang munisipalidad ng Pahamodin sa Special Geographic Areas for Development Authority (SGADA) ng BARMM noong Ika-24 ng Disyembre, 2023.
Sinabi ng LBO sa isang post sa social media na ang aktibidad ay naglalayong tukuyin at talakayin ang mga isyu, hamon at alalahanin na nakakaapekto sa mga residente ng munisipalidad ng Pahamodin at makapagbigay ng kaukulang mga solusyon.
Sa programa, si Yusoph S. Lumambas, LBO Vice President for Internal Affairs ang nagsagawa pagpapadaloy sa diyalogo na nakasentro sa mga isyung pampulitika dulot ng katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, ang pagkilala sa kanila at pagsasama ng kanilang komunidad sa usapin ng development interventions tulad ng relief distribution, at mga proyekto ng gobyerno.
Sinabi rin ng LBO na sa lahat ng isyu at problemang kinaharap ng mga residente, at upang makaahon sa mga hamon, ay kailangan pang mas palakasin ang mga programang panrelihiyon, at holistic Socio-economic para sa komunidad.
Ayon kay Chairman Abdulbasir Mustapha, LBO Recruitment and Membership Committee na siyang nag-facilitate ng ways forward, base sa mga tugon ng komunidad, natukoy nila ang serye ng Peace Forum na isasagawa sa Pahamodin, SGADA na lalahukan ng mga pinuno ng barangay, PolCom, SWC, Tarbiyah, Da ‘wah, Hay-atul Ulama, Lujnatul Ulya, Impormasyon, UBJP, kabataan, CSO, BLGU, BIAF at MNLF.
Sa kanyang mensahe ng suporta, ang Miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na si Mohammad Kellie U. Antao ay nangakong suportahan ang pagsasagawa ng Values Transformation Training (VTT) na isasagawa sa mga bagong halal na barangay chairman ng 12 barangay at chairmen ng PolCom.
Ang nasabing dayalogo ay dinaluhan ng mahigit animnapung (60) indibidwal na karamihan ay mga pinuno ng iba’t ibang Committee ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) tulad ng Political Committee (PolCom), United Bangsamoro Justice Party (UBJP), Women and Youth Sector at Da’ Awah Committee at nahalal na barangay chairman. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)