BTA nagsagawa ng konsultasyon sa Pikit, NortCot para sa BTA Bill No. 134 na magtatag ng munisipalidad ng Malmar sa BARMM-SGA
COTABATO CITY (June 11, 2023) — Aktibong nakibahagi ang iba’t ibang stakeholder mula sa Pikit sa isang pampublikong konsultasyon na idinaos para sa BTA Bill No. 134 na naglalayong lumikha ng munisipalidad ng Malmar sa ilalim ng BARMM Special Geographic Area na ginanap kaninang hapon, sa bayan ng Pikit.
Pinangunahan ng Committee on Local Government ng Parlamento ng Bangsamoro ang konsultasyon sa pagsisikap na mapabuti ang panukalang batas.
Dumalo sa konsultasyon ang iba’t ibang stakeholder, kabilang ang mga pinuno ng komunidad, residente, at lokal na pamahalaan, upang ipahayag ang kanilang mga opinyon at mungkahi tungkol sa panukalang batas.
Ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga pananaw at rekomendasyon, na binibigyang-diin ang pangangailangang isama ang kanilang mga input sa huling bersyon ng panukala.
Sa naganap na konsultasyon, isang makabuluhang panukala ang nakakuha ng atensyon sa mga dumalo, na nananawagan para sa pagpapalit ng pangalan ng munisipyo mula “Malmar” patungong “Madridagao”. Ang mungkahing ito ay nagbunsod ng masiglang talakayan sa mga dumalo, na nagpahayag ng kanilang mga dahilan para sa iminungkahing pagbabago ng pangalan.
Naniniwala ang mga stakeholder na ang pagpapalit ng pangalan sa munisipyo ay mas maipapakita ang pagkakakilanlan ng mga reaidente sa lugar.
Gaya ng nakabalangkas sa panukalang batas, ang munisipalidad ng Malmar ay bubuuin ng pitong barangay, katulad ng Balungis, Batulawan, Fort Pikit, Gokotan, Nabundas, Nalapaan, at Nunguan.
Kung maipapasa ang panukala, ang mga barangay na ito ay magkakaisa sa iisang administrative unit, na magreresulta sa kabuuang populasyon na 366,438 residente para sa bagong nabuong munisipyo. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday, Litrato mula sa BTA Parliament)