Estudyante, empleyado nagpasiklaban sa MPOS Tagisan ng Talino
COTABATO CITY (March 18, 2023) — Mga estudyante at ilang empleyado ng Bangsamoro Government ang nagtagisan ng talino sa Quiz Bee na isinagawa ng Ministry of Public Order and Safety ng BARMM (MPOS-BARMM) sa paggunita ng “Bangsamoro History Month” na ginanap sa Alnor Grand Convention Hall, Cotabato City nitong ika-16 ng Marso.
“Tunay ngang galing at talino ang ipinamalas ng mga kalahok mula sa iba’t ibang ahensya at unibersidad sa isinagawang Tagisan ng Talino 2023,” ganito ang paglalarawan ng MPOS sa programa.
Nagkampyon si Jamil Samama mula sa Schools Division Office of Maguindanao II ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) na nakuha ang premyong P20,000.00.
Sa easy at average round pa lamang ay napansin na ang pangunguna ng kaniyang puntos mula sa mga kasama niyang mga kalahok.
Pumangalawa naman ang quizzer na si Borhana Katak mula sa Cotabato State University na nagwagi ng titulong 1st Runner-up na nakuha ang premyong P15,000.00 habang si Aliuddin Haron mula sa Statutory Committee ng Bangsamoro Transition Authority ay nakakuha ng titulong 2nd Runner-up at P7,000.00 cash prize.
Kasama sa top 5 finalists na mga kalahok sina Nufayl Kato mula sa Notre Dame University at Al-Basser Usman mula sa Cotabato City National Highschool – Rojas na nag-uwi rin ng cash prizes.
Samantala, nagsilbing Head Committee ng nasabing patimpalak si Dr Tirmizy Abdullah, Professor ng History Department ng Mindanao State University – Main Campus upang maging maayos at malinaw ang daloy ng “MPOS Tagisan ng Talino: Bangsamoro Quiz Bee 2023.”
Ayon sa MPOS ang Tagisan ng Talino ay taunang patimpalak na isinasagawa ng Bangsamoro Government sa pangunguna ng Ministry of Public Order and Safety kasabay ng selebrasyon ng Bangsamoro History Month tuwing buwan ng Marso. ### (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday, Litrato mula sa MPOS Facebook)