(Litrato mula kay MP Atty. Suharto Ambolodto)

COTABATO CITY (Ika-23 ng Pebrero 2024) — Matagumpay na nagtapos noong Martes, Pebrero 20 ang una at ikalawang yugto ng #EyeCareBangsamoro program sa mga bayang nasa ilalim ng SPMS Box sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office – Maguindanao at tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) interim Parliament Member Atty Teng Ambolodto MNSA katuwang ang 6th Civil-Military Operations (Kasangga) Battalion, 601st Infantry Brigade, at 62nd Naval Group Reserve ng Naval Forces Reserve Western Mindanao.

Ang aktibidad na bahagi ng Medical Outreach Program (MOP) ng MOH ay nagsagawa ng eye screening activity at namahagi ng eyeglasses sa mga benepisyaryo.

Ang unang yugto ng programang #EyeCareBangsamoro ay naganap noong Pebrero 05-07, 2024 sa limang munisipalidad sa loob ng SPMS Box – Datu Hofer, Datu Unsay, Mamasapano, Shariff Saydona Mustapha at Rajah Buayan. Naganap ang ikalawang yugto nito sa Datu Salibo Martes ng umaga, Pebrero 20 bago ito tuluyang nagtapos sa Datu Saudi Ampatuan sa hapon.

Ang una at ikalawang yugto ng programa ay nagtala ng kabuuang 668 indibidwal na sumailalim sa eye screening, na kung saan 181 pasyente ang kailangan ng operasyon sa mata (glaucoma, pterygium at katarata), habang 285 na benepisyaryo ang nakatanggap ng reading eyeglasses.

Kaugnay sa aktibidad, nakatanggap naman ang IPHO – Maguindanao ng tulong pinansyal mula kay MP Ambolodto upang suportahan ang operasyon sa mata ng Bangsamoro indigents batay sa naitala ng program mula sa pitong bayan.

Tinanggap ni Dr. Mohammad Ariff A. Baguindali, Provincial Health Officer II at Chief of Hospital II ng Maguindanao Provincial Hospital, ang tulong pinansyal mula kay MP Ambolodto sa isang simpleng turn over rite na ginanap sa IPHO-Maguindanao.

Ayon kay Dr. Baguindali, taos-puso silang nagpapasalamat kay MP Ambolodto, sa pagsuporta nito sa operasyon sa mata ng mga mahihirap na Bangsamoro. Aniya, malaking bagay ito para sa kanila.

Samantala, sinabi ni MP Ambolodto na layunin ng programang #EyeCareBangsamoro na tulungan ang mga mahihirap na mamamayang Bangsamoro na nangangailangan ng medikal na atensyon sa mata.

Idinagdag ng mambabatas na lubos itong nagagalak na sila ay suportahan at hiling nito na matapos ang operasyon, nawa’y kanilang makita ang mundo sa isang bagong liwanag.

Dumalo naman sa turn-over ceremony sina 601st Unifier Brigade Commander BGen Oriel L Pangcog, 40th Infantry Battalion Commander LTC Ronald Mamangun, kasama ang mga opisyal at tauhan ng IPHO – Maguindanao at Maguindanao Provincial Hospital. (BMN Network News/ BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Gaza: Increased armed hostilities in Rafah pose disastrous risks to civilian lives and infrastructure
Next post PSRO-BARMM matagumpay na naisagawa ang Dalawang Episode ng Kapeyapaan sa Bangsamoro Online Program